Default Thumbnail

Mayor Honey hinimok mga kawani na irehistro SIM card

March 20, 2023 Edd Reyes 182 views

HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang lahat ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na iparehistro na ang kanilang mga SIM card bago pa magtapos ang itinakdang deadline ng batas na lumikha nito.

Inihayag ito ng alkalde Lunes ng umaga matapos ang isinagawang regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas na isinagawa sa Kartilya ng Katipunan.

Ayon sa alkalde, magsasagawa ng SIM card registration ang Globe Telecom, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila na magsisimula ng Lunes, Marso 20 mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa Kartilya ng Katipunan.

Ito aniya ay nakabatay sa umiiral na batas sa ilalim ng Republic Act (RA) 11934 o ang Sim Card Registration Act na magtatapos ng Abril 26 ng taong kasalukuyan.

“Ngayon pong umaga, napakasuwerte natin dahil ang atin pong katuwang sa paglilingkod mula sa pribadong ahensiya, ang Globe Telecom Inc. sa pamumuno ni Bam De Guzman at Pamela Hachero, kasama ang walo pa nilang kasamahan ay nandirito, na kung saan ay magsisimula sila ng first NCR base assisted sim registration,” pahayag ng alkalde.

Sinabi pa ni Mayor Lacuna-Pangan na bukod sa gagawing pag-alalay sa mga kawani na magpaparehistro ng kanilang SIM card, makikipag-ugnayan din ang Globe Telecom sa mga barangay upang magsagawa rin ng SIM registration.

AUTHOR PROFILE