Lacuna

Mayor Honey, DOH-OIC Vergeire, binakunahan mga kawani ng SC

August 16, 2022 Edd Reyes 198 views
Lacuna1
Pinangunahan nina Manila Mayor Lacuna-Pangan at DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang pagbabakuna sa mga kawani ng Korte Suprema matapos ang kanilang flag-raising ceremony sa Supreme Court Quadrangle. Kuha ni Jon-jon Reyes

TINIYAK ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang maigting na pagpapatuloy ng pagbabakuna laban sa COVID-19 bilang suporta sa matinding hangarin ng pambansang pamahalaan na mabakunahan ang mas marami pang mamamayan ng bansa.

Ang pagtiyak ng suporta ng alkalde sa pambansang pamahalaan ay kanyang inulit matapos na dumalo sa inilunsad na “PinasLakas” – isang malawakang kampanya para sa booster vaccination ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nito lamang araw ng Lunes sa gusali ng Korte Suprema sa Padre Faura Street, Malate, Manila.

Sinabi ni Mayor Honey na dahil sa matinding determinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na mabakunahan ang mas marami pang mamamayan, hindi lamang sa mga naninirahan sa lungsod kundi maging ang mga residente sa karatig lugar at lalawigan, ay patuloy na nag-aalok ng bakuna, hindi lamang sa dating naitayo nilang dalawang drive-thru vaccination sites, kundi maging sa anim na pampublikong pagamutan sa bawat distrito na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan.

Sa naturang paglulunsad, mismong sina Mayor Honey at Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang nagbakuna sa mga kawani ng Korte Suprema (Supreme Court) matapos ang ginanap na pagpupugay sa watawat na isinagawa sa Supreme Court (SC) Quadrangle.

Sa panig naman ni SC Chief Justice Alexander Gesmundo, ipinaabot niya ang lubos na pasasalamat pambansa at lokal na pamahalaan sa pagsisikap na mabakunahan ang mga karapat-dapat na mamamayan ng bansa.

“Without the help and the support of our national government and local government, we could not have made it this far,” pahayag ni Chief Justice Gesmundo.

“With the help of the national and local government, we have extended our vaccination and booster drives to not just our employees alone, but to their families and household members as well,” dagdag pa niya.

Hindi naman pinalagpas ni Vergeire ang pagkakataon na pasalamatan ang lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Honey dahil sa hangaring bakunahan, hindi lamang ang mamamayan ng lungsod kundi maging ang mga naninirahan sa kalapit na bayan at lungsod.

“Salamat po Mayor sa paninigurong protektado hindi lamang po bawat Manilenyo, kundi lahat po ng karatig-pook and especially yung mga opisina na umaasa sa ating gobyerno,” pahayag ni Vergeire.

Ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay nagkaloob ng bakuna at nagpahiram ng kanilang mga vaccinators sa mga pampubliko at pribadong sektor na nasa lungsod at isa na ang SC ang nabiyayaan kung saan nabakunahan ang mga mahistrado, mga kawani, pati na ang kani-kanilang pamilya.

Batay sa rekord ng DOH, 96 na porsiyento na ng mga kawani ng SC ay mga fully vaccinated na o nakatanggap ng una at ikalawang dose ng bakuna laban sa COVID-19 habang 92 porsiyento ang may unang booster shots at 51.2 porsiyento naman ang mayroon ng second booster shots.

AUTHOR PROFILE