Default Thumbnail

Mayor Honey bumiyahe pa-Argentina, VM Yul Servo pansamatalang hahalili

October 18, 2022 Edd Reyes 252 views

Lacuna-Pangan dadalo sa C4 World Mayors Summit

NAGSIMULA ng manungkulan bilang pansamantalang alkalde ng Lungsod ng Maynila si Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto matapos umalis palabas ng bansa si Mayor Honey Lacuna-Pangan upang dumalo sa C4 World Mayors Summit na gaganapin sa Buenos Aires, Argentina.

Ini-anunsiyo ng bise alkalde ang pag-alis ni Mayor Lacuna-Pangan nitong Lunes ng umaga sa ginanap na pagpupugay sa watawat habang hahalili namang pansamantala sa kanya si 3rd District Councilor Johanna “Apple” Nieto-Rodriguez na siya ring mauupo bilang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod dahil siya ang humakot ng pinakamaraming boto mula sa mga kumandidato sa pagka-konsehal ng lungsod sa nakalipas na halalan.

Sa kanyang pagsasalita, hiniling ni VM Yul Servo Nieto sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na magkaisa nilang ipanalangin ang mapayapa at ligtas na paglalakbay ng alkalde pati na rin ang matagumpay na pakikilahok niya sa pandaigdigang summit ng mga mayor mula sa iba’t-ibang sulok ng daigdig.

“Sa pagdalo ni Mayor Honey Lacuna sa C4 World Mayors Summit sa Buenos Aires, Argentina na naglalayong pagtuunan ng pansin ang seryosong usapin sa climate change at ang mahalagang responsibilidad ng mga pamahalaan na pangunahan ang mga hakbang upang tiyakin ang pagbibigay proteksiyon sa ating kalikasan, atin sanang ipanalangin ang kanyang mapayapa at ligtas na paglalakbay, gayun din ang mabunga at matagumpay na pakikilahok sa pandaigdigang summit ng mga mayor mula sa iba’t-ibang sulok ng daigdig,” pahayag ni Acting Mayor Yul Servo.

Ang alkalde ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at alkalde ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon lamang sa tanging naimbitahang dumalo sa tatlong araw na summit mula sa mga siyudad sa buong kapuluan.

Bago ang ginawang pag-alis palabas ng bansa ni Mayor Honey, sinabi ni Acting Mayor Yul Servo Nieto na ipinagbilin sa kanya ng alkalde ang pagpapanatili ng maayos, malinis at tapat nilang paghahatid ng serbisyo sa mga kapwa Manilenyo.

“Palagi po sa ating ipinapaalala ni Mayor Honey na ang serbisyo publiko ang pinakamataas na antas ng gawad sa paglilingkod. Ito ay nagbibigay sa atin ng isang pagkakataon na gumawa ng pagbabago sa buhay ng mga tao at mapabuti ang mundo kaya lagi nating pahalagahan ang pagkakataon ito na maging isang lingkod-bayan,” dagdag pa ng bise alkalde.

“The C40 World Mayors Summit, that takes place every three years, will bring together the mayors of global and regional cities, alongside business leaders, philanthropists, campaigners, youth leaders, scientists and residents, to share bold ideas, showcase innovative solutions and stand together to create a sustainable, prosperous and equitable future,” nakasaad sa summit website.

AUTHOR PROFILE