Vilma

Ate Vi naiyak sa resulta ng biopsy ni Luis

May 5, 2024 Vinia Vivar 175 views

Ikinabahala ni Luis Manzano ang lumalaki niyang nunal sa ulo kaya minabuti niyang ipasuri ito at ipa-biopsy.

Ibinahagi ng TV host sa kanyang latest vlog ang journey ng pagpapa-biopsy at sey nga niya, ito na yata ang pinaka-seryosong vlog na kanyang ginawa.

Ikinuwento niya na bata pa lang siya ay may nunal na siya sa ulo na nakakapa niya pero hindi nakikita. Kaya hindi niya napansin na lumalaki na ito.

Ang make-up artist niya sa Star Magic Ball ang nakapansin na parang lumaki nang slight ang kanyang nunal.

Dito na siya napaisip at nag-decide na ipa-check. Ilang doktor ang nilapitan niya at iisa ang sabi ng mga ito: Mukhang okay naman ang nunal pero siyempre, to be sure, maigi kung ipapa-biopsy ito para malaman kung cancerous o hindi.

Inamin ng mister ni Jessy Mendiola na kinabahan siya sa word na “biopsy.”

“Hindi kasi araw-araw na naririnig mo ‘yung salitang biopsy, ‘yung pagdaraanan mo na, ‘uy may kailangang i-biopsy sa ‘yo,” aniya.

Siyempre, ang papasok agad sa isip mo ay cancer.

“If sabihin mo bigla na may kailangan kang i-biopsy, kahit sabihin mong precautionary lang, kahit sabihin mo, ‘just to be sure,’ parang cancer comes to mind or kung anuman.

“Ang cancer kasi is one of those things na kahit sa kalaban mo hindi mo iwi-wish ‘yun. Ang dami kong mga kilala na unfortunately, nadale na ng cancer, people going through and you can see that it’s very life-changing para sa kanila,” aniya.

Hindi pa niya sinasabi sa mommy at daddy niyang sina Vilma Santos at Edu Manzano, maging sa kanyang stepfather na si Finance Secretary Ralph Recto.

Ang nakakaalam lang daw ay ang misis niyang si Jessy, ilang barkada at mga kasama sa bahay.

“’Pag nalaman ni Mommy ‘to, magkakagulo. Si Mommy, kahit wala pang result, sigurado every .6 seconds, tatawagan niya ako,” aniya.

Ayaw umano niyang mag-alala pa ang parents niya.

So, hayun na nga, ipinakita ni Luis sa vlog na tinanggal ang kanyang bukol. Isinagawa ang operasyon sa Belo Medical Clinic sa Greenhills at sandali lang ang procedure. Say ng TV host, wala siyang naramdaman.

After the operation, ang paghihintay ng biopsy result ang sumunod na ikina-stress niya. Umabot din ito ng mahigit isang linggo.

Finally, nang makuha niya ang resulta, laking pasasalamat ni Luis na benign ito kaya bilang mini-celebration ay nagpaikli siya ng buhok.

Nang malaman ito ng mommy niya, napaiyak pa ito.

Ginawa umano niya ang vlog to create awareness sa mga tao na nasa ganitong klase ng senaryo.

“Hindi mo basta-basta naririnig ‘yung ‘uy, may nunal ka, pa-tsek mo.’ Worst case scenario could be some form of skin cancer. So, ‘yun lang.

Just to create awareness na may ganu’n,” ani Luis.

AUTHOR PROFILE