Ibay Iniharap ni P/Lt. Col. Roslino ‘Jhun’ Ibay Jr., commander ng MPD Station 1 ang tatlong suspek na pawang mga ‘pekeng’ miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos na maaresto sa Mel Lopez Blvd. habang sila ay ‘nangongotong’ umano. Kuha ni Jon-jon Reyes

3 ‘pekeng’ MTPB enforcers tiklo sa kotong

October 18, 2022 Jonjon Reyes 366 views

HINULI ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 ang tatlo umanong “nangongotong” na huwad na traffic enforcers ng Maynila, sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Moriones Street sakop ng Barangay 123 sa Tondo, Maynila, umaga nitong Lunes.

Ang nahuling mga suspek ay pawang mga residente ng Tondo sa Maynila.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rosalino “Jhun” Ibay Jr., station commander ng MPD Raxabago Police Stn. 1, pasado alas 10:00 ng umaga nang pag-aarestuhin ang tatlong suspek dahil sa sumbong ng isang truck driver na itinago sa alyas “Pedring”.

Ayon sa imbestigasyon ni Pat. Jersan Manaloto, may hawak ng kaso, dumulog ang truck driver sa tanggapan ni Ibay, makaraan umanong hingan ito ng delihensiya o “kotong” ng tatlong suspek na pawang mga nakasuot pa diumano ng uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Salaysay ng tsuper ng truck, dahil sa isang traffic violation ay agad siyang hiningan ng halagang P1,000 na imbes na lisensya umano ang dapat na kunin ng mga suspek.

Dahil dito nagduda na ang biktima kung kaya’t siya ay dumulog sa MPD Stn. 1 at iniutos agad ni Ibay kay P/Lt. Villafranca ng Intelligence Section at ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP) sa pamumuno ni P/Maj. Billy Rey Cañagan, na magsagawa sila ng surveillance at nang magpositibo, dito na nila tinimbog ang mga pekeng enforcers.

Narekober naman ang P1,000 mula sa isang suspek na umano’y binigay ng truck driver.

Dahil dito, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa robbery extortion at usurpation of authority ang tatlo dahil sa ilegal na pagsusuot nito ng uniporme ng MTPB.

AUTHOR PROFILE