Default Thumbnail

Mayor Honey bukas gawing ‘boluntaryo’ ang paggamit ng face masks

September 9, 2022 Edd Reyes 256 views

BILANG isang doktora, bukas si Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa mungkahing “boluntaryo” na lamang at hindi na puwersahan ang pagsusuot ng face mask sa mga bukas at may espasyong mga lugar.

Sa kanyang pag-uulat sa programang “Capital Report” na napapanood ng live sa opisyal na Facebook page ng Manila Public Information Office, sinabi ni Mayor Honey Lacuna na pabor siya sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na alisin na ang puwersahang pagsusuot ng face mask at gawin na lamang itong boluntaryo sa labas at may espasyong lugar sa Lungsod ng Maynila.

“Pero siyempre, lagi po nating tatandaan, kasi wala na tayong face mask, ang pinakamabisa pa rin nating proteksiyon ay yun pong tayo ay fully vaccinated na at kung kailangan na po nating magpa-booster, mayroon naman po tayo nito. Yan po ang pinakamabisa nating panlaban lalong-lalo na po kung matutuloy na yung pagiging voluntary na lang ang paggamit ng face mask sa mga open spaces,” pahayag ng alkalde.

Nilinaw naman ni Mayor Honey na ang mungkahi na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa labas at pampublikong lugar ay kasalukuyan pa namang pinag-uusapan at hindi pa ipinatutupad sa ngayon.

Aniya, kinakailangan munang magpasa ng isang batas ang dalawang kapulungan ng Kongreso na mag-aalis sa kautusan na mandatory o puwersahan pa rin ang pagsusuot ng face mask o kaya ay maglabas ng isang Executive Order ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mag-aatas na gawin na lamang itong boluntaryo bago tuluyang maipatupad.

“Pero sa tingin ko po, kung nasa mga close spaces, kailangan pa rin po na magsuot tayo ng face mask. Yan po ay personal ko lang pong opinyon,” saad pa ng alkalde.

Gayunman, sinabi ni Mayor Honey na sa mga pampubliko at malawak na espasyong lugar na dinadagsa naman ng napakaraming tao, gaya sa Divisoria sa C.M. Recto na puntahan ng mga mamimili mula sa iba’t-ibang lugar lalo nga ngayong nalalapit na Kapaskuhan, kinakailangan pa rin aniya ang pagsusuot ng face mask.

“Ako po ang suggestion ko, kung medyo me pangamba pa rin po kayo magsuot pa rin po kayo ng face mask kasi voluntary lang naman yung hindi pagsusuot,” sabi pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE