Default Thumbnail

Mayon victims lampas 41,500 na

July 2, 2023 Zaida I. Delos Reyes 142 views

UMAABOT na sa 10,652 pamilya o 41,517 katao mula sa 26 na barangay ng Albay ang naapektuhan ng patuloy na paga-alburuto ng bulkang Mayon.

Batay sa update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Linggo, nasa 18,751 katao o 5,365 pamilya naman ang nanatili sa 28 evacuation centers sa Bicol region habang nasa 1,427 katao o 408 pamilya ang mas piniling manirahan sa labas ng evacuation centers.

Umaabot na din sa P130.5 milyon ang halaga ng tulong na naibigay ng gobyerno sa Bicol region para sa mga apektadong residente.

Batay naman sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 397 rockfall events ang naitala sa loob ng 24-oras.

Dakong alas-5 ng umaga nitong Linggo umabot din sa apat na volcanic earthquakes at dalawang dome collapse pyroclastic density current events ang naiulat ng Phivolcs.

Sa kasalukuyyan, nananatiling nasa alert level 3 ang paligid ng bulkan kung saan umaabot na sa 2.7 meters ang lava na ibinubuga nito mula sa crater.

Nasa 1.3 kilomentro naman ang naabot ng lava flow mula sa Bonga Gully. Mayroon ding lava collapse na aabot sa 3.3 kilometro hanggang 4 na kilometro sa Basud Gully.

Nagbuga din ang bulkan ng 1,500 metrong taas ng makapal na usok at nakapaglabas ng 864 tonelada ng sulfux dioxide flux nitong Sabado.