Lacuna

Maynila ready na sa Roxas Blvd car-free Sunday

May 24, 2024 Edd Reyes 99 views

INIHAYAG ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na handang-handa na ang Maynila sa car-free Sunday sa Roxas Boulevard simula sa Mayo 26.

Masusi ng sinuri ng kanilang mga field personnel ang kondisyon ng lansangan at bangketa sa Roxas Boulevard mula Padre Burgos hanggang Quirino Avenue, ang isasarang bahagi tuwing Linggo, at handa na rin ang mga traffic personnel sa rerouting ng mga sasakyan.

“Dahil legit fitness activity ang Move Manila sa Sunday, mangunguna sa fitness motivation sina celebrity fitness couple Coach Jim Saret at Coach Toni Saret bilang programs hosts, and of course, kami rin ni Vice Mayor Yul Servo kasamang sasabak sa fitness activities,” pahayag ng alkalde.

Magkakaroon din ng zumba competitions sa umaga sa Roxas Boulevard na paglalabanan ng iba’t-ibang grupo ng School Parent-Teachers Association (SPTA).

”Para lalong ganahang mag-exercise ang mga pupunta sa Roxas Boulevard mula 5:00 a.m. hanggang 9:00 a.m., sasamahan sila ng mga delegasyon mula sa iba’t ibang sektor dito sa Maynila,” dagdag pa ng alkalde.

Tiniyak ng alkalde na uunahin nila ang kaligtasan ng bawa’t isa dahil sa mga ipinakalat na road marshals na mag-aasikaso sa maayos na daloy ng mga tao upang hindi maglabu-labo na posibleng pagmulan ng aksidente.

Ilan sa mga grupong imbitado sa pagisimula ng Move Manila-Car Free Sundays ang mga konseho ng barangay, Sangguniang Kabataan, mga kawani at opisyal ng City Hall, non-government organizations, school parent-teachers associations, sports clubs, running clubs at cycling clubs.

AUTHOR PROFILE