Default Thumbnail

Maynila maglalabas ng pondo para sa mga senior citizen

September 20, 2022 Edd Reyes 221 views

‘Monthly allowances’ sa susunod na 4 na buwan, siniguro

MATAPOS na maipamahagi ang buwanang allowance ng mga senior citizen sa Lungsod ng Maynila para sa buwan ng Enero hanggang Abril, nilagdaan nitong Lunes ng hapon ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang paglalabas ng “allowance” ng mga matatanda para sa susunod na apat na buwan.

Sinabi ni Mayor Honey na ang mga senior citizen na naninirahan sa una hanggang sa ika-anim na distrito ng lungsod ay nakatakdang makatanggap muli ng kanilang P500 buwanang allowance para sa buwan ng Mayo, Hunyo, Hulyo, at Agosto na may kabuuang P2,000 bawat isa makaraan niyang lagdaan ang papapalabas ng P349,162,500.

Nauna ng ipinahayag ng alkalde na ang “social amelioration” para sa mga senior citizen ay ipinamamahagi ng tatlong beses kada taon o kada apat na buwan kada distrito at dahil natapos na nila ang pamamahagi sa unang apat na buwan, muling matatanggap ng mga matatanda ang kanilang allowance para naman sa susunod na apat na buwan.

Bukod sa buwanang allowance, bilang isang doktora, ay hindi mapigilan ni Mayor Honey ang mahabag sa mga matatanda at pasyenteng dumaranas ng matinding karamdaman, kaya’t inaalok niya ang mga ito ng libreng konsultasyon at karagdagang tulong pinansiyal.

Nito lamang nakaraang linggo sa isinagawang paglulunsad ng programang “Usapang Maynila”, kasama ni Mayor Honey si Vice Mayor Yul Servo Nieto na magsagawa ng personal na pagbisita sa tatlong pasyenteng sumasailalim sa dialysis at apat na pasyenteng na-stroke sa Sona 37 at 38 at inalok ang mga hindi na makalakad ng libreng wheelchair mula sa pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Namahagi rin ang alkalde at kanyang bise alkalde sa mga matatanda ng libreng gatas na galing naman sa donasyon ng Birch Tree, isa sa malaking kumpanya ng gatas sa bansa.

AUTHOR PROFILE