Dizon Pinangunahan ni Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang pagpapatrolya sa lansangan ng lungsod gamit ang mga motorsiklo upang panatilihin ang mga pagsasagawa ng mga checkpoint sa bawat kalye sa Lungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

MPD narekober kinarnap na taxi, suspek tiklo

September 19, 2022 Jonjon Reyes 259 views

AGAD na nasakote ng mga awtoridad ng Manila Police District (MPD) Station 3, ang isang carnapper bago pa man tuluyang matangay ang isang taxi sa Lungsod ng Maynila.

Sa imbestigasyon ng Sta. Cruz Police Station MPD Stn. 3, pasado alas-3:15 ng madaling araw nitong Linggo nang holdapin at tangayin ng suspek ang taxi na minamaneho ng biktimang tsuper na taga-Meycauyan, Bulacan.

Ayon kay P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, station commander ng Sta. Cruz Police Stn. 3, pinara umano ng suspek ang taxi sa 5th Avenue Caloocan at nagpapahatid ito sa Retiro, Quezon City.

Subalit pagdating sa panulukan ng A. Bonifacio ay nagdeklara ng holdap ang suspek habang nakatutok ang patalim sa taxi driver.

Gumawa umano ng paraan ang driver at tumalon mula sa kanyang minamanehong taxi kung kaya’t nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na mahawakan ang manibela saka ito tinangay.

Tiyempo namang nakita ng isang rider ang pangyayari kung kaya’t tinulungan ang tsuper ng taxi para makapagreklamo at nagkataon naman nagsasagawa ng checkpoint operation ang MPD Stn. 3 sa bahagi ng Blumentrit sa Sta. Cruz, Maynila.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sakay ng kanilang dalawang motorsiklo at inabutan ang taxi sa kahabaan pa rin ng Blumentritt sa harap ng Chinese General Hospital.

Dito na tinutukan ng baril at pinababa ng mga pulis ang suspek na aminadong nagawa ang panghoholdap at pagtangay ng taxi dahil sa kalasingan at lulong sa ilegal na droga.

Pinayuhan naman ni Solas ang mga pumapasada na laging mag-doble ingat sa pagkuha ng mga pasahero.

Pinuri naman nu MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang agarang aksyon ng mga kapulisan ng Sta. Cruz Police Stn. 3 at sinabing malaking tulong ang pagpapatrolya at paglalatag ng mga checkpoint laban sa kriminalidad.

AUTHOR PROFILE