Default Thumbnail

May plastik na sa hangin, tahong, at bangus

October 8, 2023 Joey C. Papa 266 views

JoeyAng sarap pa naman ng inihaw na tahong at bangus!

Kahit anong luto ng bangus ay masarap. Lalo na ang sinigang na tiyan at ulo. Madalas bilhin ang boneless bangus dahil napakasarap ng taba ng belly o tiyan!

Ang taba ng bangus o anumang isda ang hindi nakatatakot na kainin di tulad ng taba ng baka at baboy.

Ngunit nakakakain na rin ang bangus ng microplastics (MPs) ayon sa isinagawang pag-aaral ng Mindanao State Universtiy- Iligan Institute of Technology.

Ayon sa pag-aaral, sa 30 bangus na sinuri, 29 ang nakitaan ng microplastics!

Noong bago magkapandemic, isang paaralan sa Maynila ang nagsagawa rin sa laboratoryo nila ng pag-aaral ng tahong (mussel) at nakitaan ito ng sakdamakmak na microplasctics.

Sumunod ay ang pag-aaral din sa ating hangin na nakitaan din ng MPs na nahihinga ng mga tao at pumapasok ito sa ating baga at iba pang organo ng ating katawan. Ibig sabihi’y sumasama ito sa ating dugo at dumadaloy na ito sa ating buong katawan hanggang sa utak.

Magtataka pa ba tayo kung bakit maraming taong may sakit na hindi alam ang dahilan ng kanilang sakit? Idiopathic diseases ang tawag dito.

Kahit ang mga manok ‘umano ay may plastik na rin sa mga lamang-loob nito dahil sa ang mga tinutuka nila ay galing sa mga lalagyang plastic na napipilas sa proseso ng pagsasalin ng pagkain sa kanilang mga kulungan. Natutuka nila ang microplastics.

Gayon din ‘umano ang mga baboy na ang pagkain ay nasa lalagyang plastic. Madali kasing mapilas lalo na ang single-use-plastics. Maliit ito kapag napunit at sumasama na sa ating food chain.

Kaya daw ang tawag sa mga ito kapag naluto ito ay litsong manok at baboy na may lamang-loob na plastik!

Ang malupit pa ay ang mga microplastic ay nagiging nanoplastic! Yung bang higit pang maliliit sa micro. Kung matatanggal man ang mga bituka ng isda o manok, ang nanoplastic nakalulusot dahil sa sobrang liliit nito na tanging mikroskopyo lang ang makakakita, at nakakapasok na ‘umano ito sa baga, atay, at dugo ng tao.

Sabi nga ng isang radio broadcast journaist, “ano na lang ang kakainin natin, lamesa?” Pagpapatawa niya ito nang sabihan siya ng kanyang duktor ng mga bawal na pagkain para sa kanyang mga sakit.

Ang siste pa nito, ang paggawa ng mga plastic na ito ay mga sangkap na ginagamitan ng mga kemikal tulad nang sa pintura at thinner. Marami pang toxic chemical ang nasa plastic na pupunta sa katawan ng mga isda o pagkaing-dagar at pagkaraan ay sa loob ng katawan ng tao.

Ayon sa ulat, sinabi ni environmental scientist Hernando Bacosa, na nagsasagawa ng microplastics research at bahagi ng team na nag-aaral sa plastics sa bangus, kailangan ng i-ban ang singler-use-plastic na siyang makikita sa mga lawa, ilog, at karagatan at sa lahat na ng sulok ng ating lipunan.

Matagal nang hinihiling sa pamahalaan nang mga environmental people’s organization ang pagbaba-ban sa single-use-plastics, ngunit nakarating lamang ito sa mga binging pandinig hanggang sa lumalala na nang lumala ang plastic pollution.

Ngunit hindi pa huli ang lahat, umayos lang ang mga namamahala sa bansa at maaagapan pa natin ang higit na paglala at pagkalat ng microplastic sa ating mga pagkain.

Ban single-use plastics! ([email protected])

AUTHOR PROFILE