Default Thumbnail

“Kayod-kalabaw” ang kailangang gawin ng mga taga-BOC

October 8, 2023 Vic Reyes 213 views

Vic ReyesSA tingin ng mga observers sa “snake-infested waterfront,” kailangang kayod-kalabaw ang gawin ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa nalalabing tatlong buwan ng taon para maabot nila ang kanilang 2023 tax collection target.

Ito ay pagkatapos na umabot ng tumataginting na P660.72 bilyon ang total collection ng ahensya sa unang siyam na buwan ng 2023 (Enero hanggang Setyembre).

“This translates to a 2.57 percent increase compared to its P644.18 billion collection target for the 9-month period,” ayon sa BOC na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Kaya dapat makakolekta ang BOC ng P241 bilyon mula Oktubre hanggang Disyembre para maabot ang kanilang 2023 revenue collection target na P901 bilyon.

Ang ibig sabihin nito, mga kaibigan, kailangang hindi bumaba sa P80 bilyon ang monthly revenue collection ng ahensya sa nalalabing tatlong buwan ng taon.

Hindi problema ito dahil dumadagsa pa rin sa bansa ang mga imported Christmas items, na kagaya ng mga appliances na paboritong pang-regalo ng mga kababayan natin.

Sa isang pahayag, sinabi ni Commissioner Rubio na ang dahilan ng patuloy na positive performance ng BOC ay ang kanyang “vigorous revenue collection efforts.”

Ayon pa sa Ilocanong BOC chief, nandiyan pa ang effective customs operations at increased trade activity na bunga ng pagbubukas muli ng ekonomiya.

Huwag natin kalimutan na dalawang taon tayong nasa lockdown dahil sa crippling coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagpahirap sa buong daigdig.

Sinabi pa ni Rubio na nagsagawa ang masisipag na operatiba ng BOC ng 730 anti-smuggling operations sa buong bansa nitong mga nakaraang siyam na buwan.

Ito ay nagresulta ng pagkakasakote ng smuggled imported goods na nagkakahalaga ng mahigit na P35.96 bilyon.

Ang mga nakumpiskang kontrabando ay kinabibilangan ng bigas, gulay, isda, iba pang produktong agrikultura, illegal drugs na kagaya ng shabu at cocaine, at pati mga motor vehicles.

Matatandaan na pag-upo pa lang ni Pangulong Marcos ay inutusan na niya ang kanyang kababayang si Commissioner Rubio na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa ismagling .

Alam kasi ni Pangulong Marcos na pahirap sa bayan ang pagbaha ng mga kontrabando sa lokal na merkado.

Talaga naman!

****

Isang shipment ng shabu na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon ang nasakote ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).

Galing ng Mexico, ang shipment, na dumating sa MICP noon pang Pebrero 24, 2023, ay idineklarang naglalaman ng jerky beef, ayon sa report ng BOC.

“This successful operation is in line with the President’s directive for an intensified campaign against illegal drugs,” ayon kay Commissioner Rubio.

Matatandaan na isang derogatory information laban sa nasabing shipment ang natanggap ng BOC Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Dito na sinimulang i-monitor ng BOC ang “declaration proceedings and the movement of the shipment.”

At noong Oktubre 4 ay idinaan na sa x-ray scanning at 100 percent physical examination ang shipment na nagresulta sa pagkakatuklas ng shabu na may timbang na 323 kilo.

Congrats, Commissioner Rubio at Deputy Commissioner for Intelligence Juvynax Uy.

***

Sana huwag makialam ang mga politiko sa darating na Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE).

Huwag sana nilang kalimutan na ang dalawang halalan ay mga “non-partisan.”

Pero sa tingin ng marami ay hindi puwedeng hindi makialam ang mga lokal na politiko dahil gusto nila syempre, mga kapanalig nila ang mga opisyal na nakaupo sa barangay sa 2025.

Kailangan nila ang tulong ng mga barangay at SK officials pagdating ng susunod na national at local elections.

Ang susunod na regular na halalan sa Pilipinas ay gaganapin sa Mayo 2025, kung saan iboboto ang 12 new senators, congressmen, governors, vice governors at board members.

Haharap din sa mga botante ang mga kakandidato sa pagka-alkalde, bise alkalde at miyembro ng Sangguniang Bayan.

Dapat nasa sideline lang ang mga alkalde, bise alkalde, mga konsehal at iba pang mga lokal na lider para maging tahimik at maayos ang parating na BSK elections.

Tama ba kami?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE