Default Thumbnail

Matagumpay ang bayanihan bakunahan dahil sa SM City Bulacan!

December 20, 2021 Marlon Purification 281 views

Marlon PurificationDAANG bilang ng minors ang tumanggap at makakatanggap pa ng bakuna na Pfizer-BioNTech at Moderna sa lalawigan ng Bulacan.

Ito’y dahil na rin sa pakikipagtulungan ng management ng SM Bulacan sa pamahalaang lokal ng lalawigan.

Tinawag na Bayanihan Bakunahan, ang national rollout ng bakuna ay isinagawa sa mga SM Malls sa Marilao, San Jose del Monte at Baliwag.

Partikular sa nabibigyan ng bakuna ang mga kabataang nasa edad 12-17 taong gulang na matiyagang pumila kasama ang kanilang magulang o guardians.

Ang maganda rito, bukod sa maayos ang pagkakaprepara ng SM management, binigyan nila ng prayoridad ang mga kabataang may ‘comorbidities’ o mga milenyal na may natatanging kondisyong pangkalusugan.

Sila ay dumaan muna sa maayos na pagsusuri ng mga manggagamot sa Bulacan Medical Center.

Maraming kabataan ang nabigyan ng bakuna at marami ring magulang ang labis na nagpasalamat sa SM management.

Nakatutuwang malaman na ang isang multinational company na katulad ng SM ay sinsero sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan upang paigtingin ang bakuna sa bansa – lalo na sa lalawigan ng Bulacan.

Nabatid na kahit mga event centers, sinehan at iba pang malalaking espasyo sa mall ay ginawang vaccination sites na malaking bagay upang maging kombinyente ang pila at roll out ng bakuna.

“We expand our vax site at the mall by using our event center and cinemas to accommodate more vaccinees and to encourage everyone to get vaccinated so we could enjoy safe Christmas” ani SM City Marilao Mall Manager Engr. Emmanuel Gatmaitan.

Ang pamahalaang lokal ay nagbigay sa SM City Marilao ng una at ikalawang dose ng bakuna na Pfizer-BioNTech at Sinovac brands.

May Moderna booster shots ding ibinigay sa mga bakunadong indibiduwal na nakalagpas na ng anim na buwan at tatlong buwan o higit na 90 days na bakuna naman ang ibinigay para sa mga nakakuha ng J&J Janssen brand sa 1st dose.

Binuksan din ng SM City Marilao ang Bayanihan Bakunahan para sa mga walk in nating kababayan.

Target ng pamahalaang lokal na makapagpabukuna ng 300 indibiduwal para sa kabataan, adults at sa booster category.

Umaasa ang munisipalidad ng Marilao na makapagpabakuna sila ng 127,560 kababayan para makamit ang 70 porsiyento ng kanilang populasyon.

Ang lungsod ng SM City San Jose del Monte ay umaasang makapagpabakuna ng 1,300 indibiduwal kada araw. Ang bakunang iniaalok nila ay Sinovac, Astrazeneca, Pfizer at Moderna.

Aabot sa 5,000 bakuna naman ang inihanda ng SM Baliwag at pamahalaang lokal para sa kanilang kababayan – adults o kabataan man.

Ang available nilang bakuna ay Pfizer, Moderna, AztraZeneca, at Sinovac brands.

“Aside from keeping our malls a safe place for shoppers, we at SM, will always give our utmost support by keeping our venues open for vaccination drives like this,” sabi naman SM City Baliwag Mall Manager Rodora Tolentino.

Sa ginagawang ito ng SM management, dapat lang silang pasalamatan, papurihan at saluduhan.

Ang mga kompanyang katulad nila ay napakalaking tulong sa ating pamahalaan at mga kababayan, lalot batid nating lahat na sinsero ang kanilang Corporate Social Responsibility (CSR), partikular na ngayong panahon ng pandemya.

Mula po sa mga kababayan natin sa Bulacan, maraming maraming salamat po, SM management!