‘Master’ patay sa rumaragasang tren sa Tondo

August 29, 2022 Jonjon Reyes 127 views

ISANG hindi pa nakikilalang lalaki na may alyas na “Master” ang niluray ng rumaragasang tren makaraan umano nitong salubungin na akmang pipigilan nitong Linggo ng hapon sa Tondo, Maynila.

Tinatayang nasa 50-anyos pataas ang edad ng biktima, may taas na 5’2 hanggang 5’4 at, nakasuot ng puting t-shirt.

Ayon sa isang executive officer na barangay tanod sa Bgy. 155 Zone 14, malimit umanong palakad-lakad ang biktima habang umaastang nagma-martial arts at sumusuntok sa hangin kung kaya’t binansagan ito ng mga bata sa lugar na “Master”.

Kapag diumano nakakakita ito ng imahe ng santo, itinataas nito ang dalawang kamay saka pasigaw itong nagdarasal.

Base naman sa ulat na isinumite kay P/Lt. Col. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD) Station 7, bandang 5:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng riles ng tren sakop ng F. Yuseco Street sa Tondo.

Bago umano naganap ang insidente, nasa gitna umano ng riles ang biktima, kaya nang bumusina na ang busina ang tren, humarap daw umano ang biktima at akma pa nitong susuntukin at pipigilan ang paparating na tren kung kaya’t dito na nakaladkad ang biktima at umabot sa panulukan ng F. Yuseco at Raxabago Sts. sa Tondo.

Gayunman, ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Funeral Cruz habang hinihintay ang kaanak nito para sa pagkakakilalan.

AUTHOR PROFILE