Babae iniluwa ng ilog sa Kyusi

August 29, 2022 Melnie Ragasa-limena 225 views

PATULOY na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isang bangkay ng babae na natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Quezon City, Lunes ng umaga.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station 1, pasado alas-3:00 ng madaling araw (Agosto 29) nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa tabing ilog na matatagpuan sa Lorraine St., Parkway Village, Bgy. Apolonio Samson, Quezon City.

Ayon kay Samuel Balatong, na siyang nakadiskubre sa bangkay, kasalukuyan siyang nangangalakal ng mga basura sa may ilog nang makita niya ang siko ng biktima sa pampang.

Inakala pa umano niyang manikin lamang ito ngunit nang titigang mabuti ay nakitang may suot pa itong silver bracelet.

Sa takot ay kumaripas umano siya ng takbo at inireport sa barangay ang nakitang bangkay.

Ayon sa barangay, hindi pa matukoy kung taga-saan ang babae dahil walang nakakakilala rito.

Posible rin aniyang inanod lamang ang bangkay mula sa ibang lugar.