Suspek Ang suspek sa pananaksak mataps maaresto ng Biñan police sa Las Piñas City. Kuha ni Gil Aman

Suspek na pumaslang sa dalagita sa Biñan, timbog

August 29, 2022 Gil Aman 148 views

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL, Sta. Cruz, Laguna – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang 29-anyos na lalaking suspek na responsable sa pananaksak hanggang sa mapatay ang 18-anyos na dalaga makaraang pasukin nito sa loob ng kanilang tahanan araw ng Sabado sa Biñan City, Laguna.

Ayon kay Police Colonel Randy Glenn G Silvio, Officer-in-Charge (OIC) ng Laguna Police Provincial Office (PPO) ang nahuling suspek ay naninirahan sa Bgy. Loma, Biñan City, Laguna.

Naaresto ang suspek sa inilatag ng Biñan City Police na hot pursuit operation sa ganap na 8:00 ng gabi noong sa kanyang pinagtaguang lugar sa Bgy. Casimiro, Las Piñas City.

Ayon sa report ni P/Lt. Col. Virgilio M. Jopia, hepe ng Biñan City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa Barangay Timbao hinggil sa pagpaslang kung kaya’t agad nagpadala ng mga pulis upang beripikahin ang impormasyon.

Ayon sa imbestigasyon ng Biñan Police, sa ganap ng 3:00 ng hapon araw ng Sabado ng makita ng isang saksi ang suspek na nagpumilit pumasok sa apartment ng biktima sa Purok 1 Bgy. Timbao, Biñan City, Laguna upang kumprontahim ang nanay ng biktima dahil sa umano’y matinding selos.

Subalit ng hindi madatnan ng suspect ang hinahanap na ina ng biktima saka naman dito ibinunton ang galit na nagawang saksakin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Narinig umano ng saksi ang biktima na sumigisigaw at humihingi ng tulong. Kalaunan ay tumigil ang pagsigaw ng biktima kung saan nakitang lumabas ang suspek sa bahay.

Pagpasok ng saksi sa bahay ay tumambad ang katawan ng biktima na puno ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan at duguan.

Isinugod pa ng barangay officials ng Bgy. Timbao ang biktima sa ospital ngunit idineklara itong “dead on arrival” ng attending physician.

Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation ang Biñan City Police sa Bgy. Casimiro, Las Piñas City na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek sa dakong alas 8:00 ng gabi sa araw din ng Sabado.

Sa pahayag ni Silvio, “Hindi natin hinayaan na makaalpas pa ang suspek sa krimen na ito, nakaalis man siya sa probinsya ay hindi niya matatakasan ang batas.”

Sa pahayag ni PRO Calabarzon (Police Regional Office Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) P/Brig. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Hindi hahayaan ng kapulisan na ang Calabarzon ay magiging pugad ng mga kriminal. Inatasan ko na ang lahat ng kapulisan sa buong rehiyon na mas palakasin ang kampanya at laban sa droga at kriminalidad.”

AUTHOR PROFILE