Rewind

Marian, umaming natakot gawin ang ‘Rewind’

January 20, 2024 Vinia Vivar 90 views

Naging emosyonal si Marian Rivera sa thanksgiving party ng Rewind habang nagpapasalamat siya sa asawang si Dingdong Dantes na siyang kapareha niya sa naturang Metro Manila Film Festival 2023 entry.

Sa naturang event ay inanunsyo rin na ang Rewind ang Highest-Grossing Filipino Film of All time in terms of Philippine domestic sale.

Ipinakita sa 24 Oras ang bahagi ng speech ni Marian kung saan ay hindi niya napigilang mapaiyak.

“Hindi ko magagawa ‘yung karakter ni Mary na hindi talaga si Dong ‘yung partner ko. Si Dong ‘yung palaging nagtsi-cheer sa akin na kaya ko gawin ang mga bagay-bagay kasi nu’ng ginagawa ko ‘to, natatakot ako.

“Sabi ko parang ‘baka hindi ko magampanan si Mary kasi natatakot ako sa expectation ng lahat ng tao’ kasi after 13 years bumalik ako para magtrabaho,” umiiyak na sabi ng Kapuso Primetime Queen.

Sabi pa niya kay Dingdong na katabi rin niya, “Sabi ko nga, ikaw ang ibinigay ni Lord sa akin na ipinagpapasalamat ko. So, I love you” at nagyakap sila nang mahigpit.

Masayang-masaya rin si Dingdong hindi lang sa tagumpay ng kanilang pelikula kundi sa buong MMFF.

“Sa ipinakita nilang resulta ng box office ngayon, ibig sabihin, may tiwala sila sa pelikulang Pilipino. So, bilang kaming mga artist na gumagawa ng pelikula, gusto naming siguraduhin talaga na parating sulit ‘yung paggastos nila ng pagbili ng tiket,” sabi ni Dong.

Matatandaang inanusyo ng ABS-CBN Films na as of Jan. 17 ay umabot na sa P815 million ang local ticket sales ng Rewind at natalo na ang Hello, Love, Goodbye na kumita ng P691M noong 2019.

AUTHOR PROFILE