Marian

Marian, bet i-rewind ang kasal at panahong baby pa sina Zia at Sixto

December 9, 2023 Ian F. Fariñas 147 views

ANG kasal nila ni Dingdong Dantes at ang panahong baby pa sina Zia at Sixto ang dalawang bagay na bet balikan ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera kung pupuwede lang.

Bukod sa obvious na rason, memorable para kay Marian ang wedding nila ni Dingdong dahil doon umano muling nabuo ang kanyang pamilya.

Matatandaan na present nga sa kasalang DongYan ang nagkahiwalay na magulang ng aktres pati na ang lolang nag-alaga at nagpalaki sa kanya habang nasa abroad ang ina.

Pareho naman sila ni Dingdong pagdating sa wish na mabalikan ang pagiging baby ng dalawang anak nila.

Paliwanag ni Marian sa presscon ng Metro Manila Film Festival entry nilang Rewind, “Kasi ‘yung mga panahon na ‘yon, nandu’ng naaalagaan ko, nahahawakan ko. Ang bilis talaga ng panahon, lumalaki talaga, lalo kapag busy ka, parang pag-uwi ko sa bahay parang lumaki ng one inch. So parang ang bilis lumaki ng mga bata, so sabi ko, sana pwede naming balikan ‘yan para, alam mo ‘yon, ‘yung nandiyan pa rin sila, maliit pa rin sila. Pero alam nating hindi mangyayari ‘yan. So, ang next ko, ‘yung wedding day ko. Kasi ‘yung wedding day ko, dalawang bagay din. Nabuo ‘yung pamilya ko, nandu’n si Mama, nandu’n si Papa, nandu’n si Nanay at natupad ‘yung pangarap ko na magkaroon ng asawang katulad niya (sabay turo kay Dingdong na katabi niya).

Mapapanood na simula sa Pasko ang movie comeback ng DongYan tandem sa Rewind mula sa direksyon ni Mae Cruz Alviar.

Iikot ang pelikula kay John (Dingdong) na gustong ibalik ang inaksayang oras para makabawi sa asawang si Mary (Marian) matapos ang aksidenteng kikitil sa kanyang buhay.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, makikilala niya si Lods (Pepe Herrera) na tutulong sa kanyang maibalik ang oras para makabawi kay Mary at sa anak nilang si Austin (Jordan Lim). Ang lahat ng ito, may kapalit na siguradong makakaapekto sa buhay ni John.

Dream come true para kina Marian at Dingdong ang gumawa ng ganitong klase ng family drama bilang big screen comeback ng tambalan nila.

Produced ng Star Cinema, APT Entertainment at Agosto Dos Pictures, kasama rin sa cast ng Rewind sina Sue Ramirez, Joross Gamboa, Lito Pimentel, Ina Feleo, Ariel Ureta, Mary Joy Apostol, Chamyto Aguedan, Coney Reyes, atbp.

Samantala, tumabo nga ng milyun-milyong views ang official trailer nito habang ang trailer drop naman ay humakot ng mahigit 16 million views sa loob lamang ng 24 oras sa online platforms ng Star Cinema at ABS-CBN.

AUTHOR PROFILE