House

MANGINGISDA SA KAMARA: SALAMAT!

May 26, 2024 People's Tonight 153 views

NAGPASALAMAT ang mga mangingisda at kanilang pamilya sa isinagawang pagdinig ng Kamara de Representantes sa bayan ng Masinloc, upang marinig at hanapan ng solusyon ang kanilang mga karaingan sa gitna ng ginagawang pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Pinangunahan nina Iloilo Rep. Raul “Buboy” Tupas, vice chairman ng House committee on national defense, at Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., bilang kinatawan ng House special committee on the WPS na pinamumunuan ni Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, ang joint hearing bilang tugon sa kahilingan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang direktang pakinggan ang saloobin ng mga mangingisda.

“Masaya kami na nandito ang mga opisyal mula sa national government,” ayon kay Noli Delos Santos, mangingisda at residente ng Barangay Naulo, Zambales, na kabilang sa dumalo sa congressional hearing.

“Nais namin ay magkaroon kami ng kalayaan na makapangisda sa sarili nating dagat nang hindi nangangamba na i-harass muli ng China,” ayon kay Delos Santos.

Gayundin ang sentimyento ni Eriderio Quezada, mangingisda at mula sa Naulo, Zambales. “Nagpapasalamat kami na nakikinig sa aming mga ordinaryong mangingisda ang mga opisyal ng Kongreso. Dapat nating ipaglaban ang ating sariling dagat. Hindi kami makapalaot sa Scarborough dahil nauuna ang takot at pangamba na baka habulin na naman kami ng mga rubber boats ng China,” aniya.

Naniniwala ang mga mangingisda na kinakailangan ang pakikipagtulungan ng pamahalaan upang agarang masolusyunan ang mga isyung kinakaharap ng kanilang komunidad.

Binigyan diin din ng mga mangingisda ang suporta na kailangan ng mga ito upang sila ay magkaroon ng malalaking bangka at hindi basta maitaboy ng mga dayuhan na pumapasok sa WPS.

Sa pagdinig ay nabigyang-diin ang pangangailangan na mabigyan ng dagdag na pagkakakitaan ang mga mangingisda upang mas lumaki ang kanilang kita.

“Sa atin naman talaga iyang Scarborough,” ayon naman kay Wilmor Torrevillas mula sa Sta. Cruz, Zambales, mangingisda sa loob ng 35 taon. “Ang tagal na naming nangingisda diyan. Bata pa lang ako diyan na kami nangingisda tapos biglang sasakupin ng China,” aniya.

Ayon kay Gonzales, ang pagdinig ay isang patunay na mayroong malasakit sa mga ordinaryong Pilipino ang gobyerno na handang makinig katuwang ang Mababang Kapulungan na pinamumunuan ni Speaker Romualdez.

Binigyang tuon sa pagdinig ang epekto sa komunidad ng pinag-aagawang teritoryo lalo na sa kanilang kabuhayan at kaligtasan, at ang pangangailangan ng pangmatagalang suporta at tugon mula sa pamahalaan.

Sinabi naman ng mga dumalong mambabatas na ang pakikinig sa mga suliranin at hinaing ng mga mangingisda ay isang paraan upang makapagbigay ng konkretong tugon at solusyon ang pamahalaan.

Tiniyak naman ng mga mambabatas na magsusumikap ang Kamara upang matugunan at mabigyang solusyon ang pangangailangan at mabigyan ng seguridad ang buong bansa.

AUTHOR PROFILE