Makinarya Makikitang sinusuri ni Mayor Jopet Inton ang mga bagong makinarya para sa mga masisipag na magsasaka at mangingisda na itinuturing na bayani ng bayan ng Hermosa, Bataan dahil sa kanilang sipag at mga sakripisyo. Kuha ni CHRISTIAN D SUPNAD

Makinarya para sa bayaning magsasaka, mangingisda pinamigay sa Hermosa

February 28, 2024 Christian D. Supnad 179 views

HERMOSA, Bataan — Ang Pamahalaang bayan ng Hermosa sa pamumuno ni Mayor Jopet Inton ay namigay ng iba’t ibang uri ng makinarya sa mga masisipag na magsasaka at mangingisda na itinuturing na bayani ng bayan dahil sa kanilang sipag at mga sakripisyo.

Sinabi ni Inton na ang initiatibo na ito ay itinuturing na kauna-unahan sa Bataan dahil ito ay nagmula mismo sa pondo ng lokal na pamahalaan. Ito ay upang patuloy na bigyang pugay ang dedikasyon at determinasyon ng mga magsasaka at mangingisda, ani Inton.

Kasama ni Mayor Inton sa nasabing aktibidad ang municipal agriculturist na si Mr. Vincent Mangulabnan.

Nagtulungan din ang iba’t ibang mga lider ng bayan, kasama sina Kgg. Roger Manarang, na siyang pinuno ng Sangguniang Bayan sa Agrikulutura; si Pike Datu, konsultant sa Agrikultura; si Rodolfo David, ang kasalukuyang chairman ng MAFC at PUSLAK FA; si G. Aries Regala, ang chairman ng MFARMC; at si Darwin Bonagua, chairman ng BARBA.

“Magbigay daan nawa ang mga modernong kagamitang ito, upang mas lalo pang mapabuti ang kanilang kabuhayan! Patuloy nating suportahan ang sektor ng agrikultura sa ating bayan,” dagdag pa ni Inton.