Default Thumbnail

Maingay na tambutso ng motorsiklo ‘baklas’ sa MPD

October 11, 2022 Jonjon Reyes 356 views

SA direktiba ng bagong upong station commander ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station, nagsagawa ng operasyon ang mga kapulisan nito laban sa maiingay na “muffler” o tambutso ng mga motorsiklo sa nasasakupan ng nasabing presinto sa Tondo, Maynila.

Sa pagkukusa ni Police Lieutenant Joseph Villafranca, kasama ang ilang tauhan ng pulisya at ng mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ikinasa nila ang operasyon kontra “ingay” ng mga tambutso.

Ayon kay P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., station commander ng MPD Stn. 1, pasado alas-8:00 ng gabi, Linggo, (Okt. 9, 2022) nang magsimula silang maglatag ng checkpoint sa maiingay na motorsiklo at ito ay kanilang tinikitan ang mga may-ari ng sasakyan, partikular na ang mga motorsiklo, mga tricycle o “kuliglig” na may mga improvised muffler sa kanilang nasasakupang lugar sa Tondo.

Ayon kay Ibay Jr., “Matagal nang ordinansa ng local government unit (LGU) yan na mahigpit ng ipinagbabawal ang mga maiingay na tambutso, lalo na sa hatinggabi kung kailan nasa kahimbingan na ng tulog ang mga tao.”

Dahil dito, ang lahat ng kanilang nasita ay pinagsabihan at ang iba naman ay tinikitan at nagbabala na sa susunod na sila’y masita dadalhin na sa impounding area ang kanilang mga motorsiklo.

Sinigurado din ni Ibay na paiiralin pa rin ang “One-Time, Big-Time Operation” (OTBT) – para ipatupad ang City Ordinance no. 8772, “regulating the use of modified muffler/exhaust pipe” sa nasabing lugar.

AUTHOR PROFILE