Maine

Maine, nakiisa sa kaligayahan ng Dabarkads… TVJ, nanghingi ng respeto sa TAPE, Inc.

December 6, 2023 Ian F. Fariñas 138 views

WALA man si Maine Mendoza sa presscon ng TVJ kaugnay ng pagpabor ng Intellectual Property Office of the Philippines sa kasong trademark registration kontra TAPE, Inc., nakiisa pa rin ito sa Dabarkads sa kasiyahan ng pagkakabawi ng titulong Eat Bulaga.

Sa isang socmed post, nilinaw ni Maine na wala siya sa studio dahil sakto namang meron siyang ibang trabaho na kailangang asikasuhin.

Tweet ng misis ni Cong. Arjo Atayde, “Ang saya. Wish I was here!!! Nasaktuhan lang may ibang work pero I’m with the #legitdabarkads in spirit, nakiki-bulaga din!”

Isa nga si Maine sa Dabarkads na pinasalamatan ni Tito Sen sa pag-i-stick sa TVJ at E.A.T. “through thick and thin.”

Binanggit din niya sina Allan K, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Myles Ocampo, na pawang nasa studio kasama ang legal counsels nila mula sa Divina Law Office.

Anang dating senador, “Ang taus-pusong pasasalamat namin kasi nagtiwala sila kahit na sila ay ino-offer-an pa ng doble, ano? Hindi nila tinanggap. Sumama sila sa mga barya-baryang katulad naming tatlo. So ang aming habambuhay na taus-pusong pasasalamat sa kanila. Salamat sa Panginoong Diyos.”

“Ibang klase kasi ang naging samahan namin sa Eat Bulaga. It’s a lot more than the show itself, the title, kung anuman ang tawag diyan. ‘Yung samahan, pakisamahan, nabanggit nga ni Tito Sen, eh, ibang klase. Walang katumbas na halaga at mabalikan ko lang ‘yung salitang respeto, kasi aware sila, eh, aware lahat. Nu’ng kami ay mag-general meeting, lahat sila, narinig nila kung ano ang sinabi nu’ng mga producer nu’n, supposed to be owners, eh, nadinig nila kung ano ‘yung sinabi sa aming tatlo at kumbaga, eh, nagpakita rin sila ng respeto. At ‘yun naman, eh, highly appreciated.

Pwera lang kay Jose, napilitan lang itong isang ‘to, eh,” biro naman ni Vic.

Dagdag niya, “‘Yung mga ganyan, eh, ina-appreciate namin. Kumbaga, sumama sila sa laban. Laban ng katotohanan, laban ng hustisya kaya sa inyo, salamat, maraming salamat! Ayos ba Tash? (sabay tingin sa unica hija nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez na si Atasha Muhlach).

Pagdating naman sa apela na inaasahang ihahain ng kampo ng TAPE, Inc., sinabi ni Tito Sen na, “’Yung appeal naman, eh, hindi naman maaalis sa atin ‘yon, sa hustisya natin. So, anybody has the right to appeal. Okay lang, walang problema ‘yon sa amin.”

Maagang Pamasko umano ang desisyong ito ng IPO kaya nanawagan ang TVJ sa kabilang kampo na sana ay irespeto ito.

Para kay Joey, respeto at hindi vindication ang pinakamabigat na salita sa nangyaring ito.

“Pagka nagpakita sila ng respeto at tigilan na ‘yang paggamit ng hindi naman sa kanila, mas masaya at siguradong hindi lang merry Christmas kundi happy new year pa kami,” susog naman ni Vic.

AUTHOR PROFILE