Default Thumbnail

Mahigit P.7M shabu nakuha sa 2 suspek sa Taguig

January 11, 2023 Edd Reyes 363 views

MAY kabuuang P712,640 halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa dalawang sangkot sa ilegal na droga sa Taguig City araw ng Miyerkules.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director Police Brigadier Gen. Kirby John Kraft, unang nadakip sa ikinasang “Oplan Galugad” kaugnay sa “One-Time-Big-Time” (OTBT) Operation ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 8 ang babaing drug personality, 45, sa Road 2, Barangay North Daang Hari dakong alas-5:10 ng hapon.

Nakumpiska sa kanya ng pulisya ang tinatayang 14.8 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P100,640 matapos inguso ng isang police asset.

Sinabi ni Kraft na ang ginagawang hakbang ng kapulisan ay bahagi ng programang S.A.F.E. NCRPO ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo.

Dakong alas-11:50 ng gabi nang magkasa naman ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig Police sa Purok 2 Bgy. New Lower Bicutan na nagresulta sa pagkakadakip sa isang lalaking suspek.

Nakuha sa kanya ng pulisya ang may 90 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P612,000, isang digital weighing scale, pati na rin ang marked money.

Ayon kay Kraft, ang mga nadakip ay kakasuhan ng paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA (Republic Act) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act sa piskalya ng Taguig City.

AUTHOR PROFILE