Knife

MAG-AMA DEDO SA AWAY-MAG-ASAWA

November 8, 2023 Dennis Abrina 223 views

BACOOR CITY, Cavite – Kapuwa patay ang mag-ama nitong Martes makaraang pagsasaksakin ng dalawang bayaw ng mga ito sa Barangay Maliksi 1, nang dahil lamang sa away mag-asawa.

Hindi na umabot nang buhay ang mag-amang biktima na nakilalang sina Ronald De Lima, 23, at ang ama nitong si Alfredo De Lima, kapuwa residente ng nasabing lugar.

Sugatan naman ang isang 8-taong-gulang na batang lalaki matapos madamay sa away ng mga ito.

Tinutugis ng Bacoor police ang dalawang suspek na bayaw ng biktima.

Ayon kay Police Master Sergeant Roberto Lacasa, may hawak ng kaso, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente kung saan inabangan umano ng dalawang suspek ang 23-anyos na biktima upang komprontahin.

Subalit hindi pa man nakakapag-usap ay agad na itong pinagtulungan ng mga suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak.

Nasaksihan ito ng ama ng biktima kung kaya tumakbo ito palapit upang awatin, subalit pinagbalingan din ito ng mga suspek at pinagtulungan ding pagsasaksakin.

Bago umano tumumba ang biktima ay may naihagis pa itong isang bagay na biglang pumutok, dahilan upang tumama sa naglalakad na batang biktima.

Ayon sa pulisya, nag-ugat ang krimen matapos na magsumbong di umano sa dalawang suspek ang kanilang kapatid na babae na asawa ng 23-anyos na biktima hinggil sa umano’y pananakit ng biktima sa kanya.

Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang mga tumakas na suspek na tangay ang mga ginamit na patalim.

AUTHOR PROFILE