Aksidente

Bebot ‘ni-rape’, pinatay sa unan

November 8, 2023 Gil Aman 234 views

PATAY ang isang babae sa Cabuyao City sa Laguna makaraang takpan ng unan ang bahagi ng kanyang mukha ng hindi kilalang salarin, bukod sa hinihinalang biktima ito ng panggagahasa.

Ang biktima na nasa hustong gulang ay natagpuang nakahandusay sa kanyang bahay sa Barangay Uno, Cabuyao City sa Laguna, Martes ng umaga.

Ayon sa Cabuyao police, kasalukuyang nagpapatrolya ang mobile nila nang iparating ang natagpuang babae na wala nang buhay sa loob ng bahay nito.

Tumambad sa pulisya ang biktima na may takip ng unan ang mukha at wala ang kasuotan na panty kaya’t hinihinalang ito ay ginahasa ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dakong alas-10:15 ng umaga nang hanapin umano ang biktima ng kapatid nito na halos nakatira lang malapit sa kanya sa kanilang compound sa Bgy. Uno.

Ayon sa kapatid, tinawagan nito ang biktima na nasa kasunod lamang na bahay subalit walang tumutugon mula sa loob.

Dahil dito, binuksan ang pintuan ng bahay at bumungad sa kanya ang wala nang buhay na kapatid na nakahandusay sa loob na may taklob sa mukha at walang suot na panty.

Sinabi ng pulisya na nang makita nila ang loob ng bahay, halos ang mga kagamitan ay nagkalat kaya’t hinihinalang nanlaban pa ang biktima.

Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives o SOCO sa kaso at para matukoy ang salarin.

AUTHOR PROFILE