Isabella Rose Tawile Manzano

Luis at Jessy, may pa-face reveal sa IG

January 29, 2023 Vinia Vivar 482 views

PINAGBIGYAN na kahapon ng mag-asawang Luis Manzano at Jessy Mendiola ang kahilingan ng netizens na makita ang kabuuan ng mukha ng baby nilang si Peanut (Isabella Rose Tawile Manzano).

Itinaon ng mag-asawa ang pa-baby face reveal sa selebrasyon ng unang buwan ni Baby Peanut.

Ani Jessy sa kanyang Instagram post: “Hello world, meet Isabella Rose Tawile Manzano. Happy 1 month, our little Rosie!”

Si Luis naman, bumati rin sa tisay at mala-anghel na unica hija ng, “Happy 1 month our little Peanut.”

Matatandaan na marami ang nag-abang sa hitsura ni Baby Peanut nang ipasilip ng showbiz couple ang mata nito sa socmed ilang araw na ang nakakaraan.

Kung anu-ano pang ispekulasyon ang lumabas tungkol sa kalusugan ng bagets na siyempre, hindi ikinatuwa ng mag-asawang Luis at Jessy.

Isang netizen nga ang sinagot ni Jessy ng “wala naman po, we just want to enjoy our little world with our baby. soon, just let us savor the moment muna.”

GMA-7, Best TV Station sa 35th Star Awards for Television

Itinanghal na Best TV Station ang GMA-7 habang nakamit naman nina Jodi Santamaria at JM de Guzman ang top acting awards bilang Best Drama Actress at Actor sa katatapos na physical awards night ng 35th Star Awards for Television ng The Philippine Movie Press Club (PMPC) nitong Sabado, Enero 28, sa grand ballroom ng Winford Manila Resort and Casino.

Nagwagi si Jodi para sa mahusay na pagganap sa Kapamilya teleseryeng Ang Sa Iyo Ay Akin na ipinalabas via free TV sa TV5 at A2Z.

Nanalo naman si JM sa pasabog niyang role sa Init Sa Magdamag na napanood sa A2Z at TV5.

Pinangunahan nina Aiko Melendez, John Estrada at Pops Fernandez ang mga bituin na nagpaningning sa gabi ng parangal bilang mga host.

Dahil sa kanilang stunning look ay humakot ng special awards ang tatlo — Pops (Female Star of the Night, Female Face of the Night); Aiko (Female Winning Look of the Night, Female Celebrity of the Night); at John (Male Winning Look of the Night, Male Face of the Night).

Idagdag pa ang Best Drama Supporting Actor award na tinanggap ni John para sa kanyang role sa GMA teleserye na Babawiin Ang Lahat.

Bongga ang ginawang pagtatanghal ni Asia’s Nightingale Lani Misalucha sa opening number. Hinandugan din ng special number ng JAMSAP talents ang mga manonood.

Para sa finale, bago ianunsiyo ang huling tatlong major awards, ang heartfelt performance ni Pop Diva Kuh Ledesma.

Pinarangalan naman ang dating aktres at veteran TV host na si Connie Angeles ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award habang iginawad kay Senador Raffy Tulfo ang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award.

Bago pinarangalan ay binigyang-pugay muna nina Kris Lawrence, Joaquin Garcia, at JV Decena sa isang tribute number ang lifetime achievevement awardees.

Kinilala naman ang lakas ng tambalan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano (He’s Into Her, Season 1/A2Z) pati na rin nina Kelvin Miranda at Mikee Quintos (The Lost Recipe/GMA 7) para

tanghaling German Moreno Power Tandem of the Year.

Kabilang din sa highlights ng gabi ang Best Drama Supporting Actress victory ni Sylvia Sanchez para sa teleseryeng Huwag Kang Mangamba.

Siya na rin ang tumanggap sa Best Single Performance by an Actor award ng anak niyang si Arjo Atayde para sa Doctor Hero episode ng Maalaala Mo Kaya.

Tinanggap din ng aktres ang award ng naka-tie ni Arjo na si Joshua Garcia, na malapit din sa puso ng aktres dahil sa pagganap nila bilang mag-lola sa teleseryeng The Greatest Love noong 2016.

Nanalo si Joshua para sa Life’s Sketch episode ng Maalaala Mo Kaya.

Masaya si Sylvia na tanggapin ang award para sa dalawang taong mahal niya.

Ang 35th Star Awards For Television ay sama-samang binuo ng mga officer at member ng PMPC, sa pangunguna ng Pangulo nitong si Fernan de Guzman.

Katuwang ng PMPC sa awards night ang JAMSAP Entertainment Corporation nina Jojo Flores at Maricar Moina sa ilalim ng direksyon ni Frank Lloyd Mamaril.

AUTHOR PROFILE