Guinto

LTO road assistance magpapatuloy hanggang Sept. 2

August 24, 2022 Jun I. Legaspi 651 views

MAGPAPATULOY hanggang Setyembre 2, 2022 (Biyernes) ang pagbibigay ng “Road Assistance” ng Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa.

Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante lalo na ang mga nasa grade school at mga kindergarden level, ayon kay Atty. Clarence V. Guinto Director ng LTO-National Capital Region Office-West.

Ayon kay Guinto, ang programa ay kaayon sa mahigpit na utos ni Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Teofilo “Jojo” Guadiz III na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante, papasok at pauwi ng kanilang mga tahanan.

Dagdag pa niya, pangungunahan ni LTO-Field Enforcement Division Chief Farish Lim ang lahat ng LTO-Mobile Patrol Units, Motorcycle Units at ang LTO-Lady Enforcers upang magbigay ng assistance sa mga estudyante, teachers, pedestrians at mga motorista.

Titiyakin din ng grupo ni Lim na walang mga obstructions sa paligid ng mga eskwelahan, tulad ng mga illegal parking, “barkers” at anumang mga sagabal sa paligid ng mga paaralan, upang maiwasan ang mga aksidente.

Nagbabala rin si Lim sa mga magulang na iwasang isakay ang kanilang mga anak sa motorsiklo ng walang helmet o pagsasakay ng tatlo o apat na back ride.

Ayon kay Lim, mula umaga hanggang 9:00 ng gabi ang kanilang operations upang tiyaking ligtan sa kapamahakan ang lahat ng mga estudyante papauwi matapos ang klase.

AUTHOR PROFILE