Default Thumbnail

Lolo, 71, patay sa bundol ng motorsiklo

March 31, 2023 Edd Reyes 347 views

NASAWI ang 71-anyos na lolo nang mahagip ng rumaragasang motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng lansangan, Huwebes ng hapon sa Malabon City.

Naisugod pa ng mga nagrespondeng kagawad ng Malabon Police Sub-Station 6 sa Tondo Medical Center ang biktimang si Rolando Cua, residente ng Barangay Bangkulasi subalit binawian din ng buhay matapos ang mahigit tatlong oras sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Sinabi ni P/Cpl. Anthony Codog, traffic investigator ng Malabon police na kusang sumuko sa pulisya ang rider ng motorsiklo, 32, ng Bacoor, Cavite matapos ang insidente at sumama pang maghatid sa biktima sa pagamutan.

Sa ulat na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, naglalakad sa gilid ng C4 Road patungo ng Tañong Bridge ang lolong biktima nang bigla siyang mahagip ng motorsiklong minamaneho ng suspek dakong alas-5:30 ng hapon.

Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima na dahilan ng pagkakaroon niya ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Negatibo naman sa anumang uri ng nakalalasing na inumin ang rider nang isailalim siya sa pagsusuri ni Alvin Domingo ng Land Transportation Office (LTO) Central Office gamit ang Alcohol Breath Analyzer, pati na sa Field Sobriety Test.

Gayunman, sinabi ni Codog na isasailalim din siya sa drug test habang inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide na isasampa sa kanya sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE