Lolit

Lolit, naawa at nalungkot sa sinapit ni Jay Sonza

August 16, 2023 Vinia Vivar 299 views

Naawa at nalungkot ang veteran entertainment writer/talent manager na si Lolit Solis sa sinapit ng dating broadcaster na si Jay Sonza matapos pumutok ang balitang inaresto ito at kasalukuyang nakakulong sa Quezon City Jail quarantine facility sa Payatas.

Sa kanyang Instagram post, sinabi ni ‘Nay Lolit na nakakaawa na sa ganito humantong ang career ng dating broadcaster.

“Hindi ba nakakaawa na sa dati niyang kinalalagyan, ganyan ang magiging ending niya, sa kulungan,” ani ‘Nay Lolit.

“Wala akong puwede ireklamo kay Jay Sonza dahil naging mabait siya sa akin nuon, sana naman matulungan siya ng mga dati niyang kasama at kaibigan na puwede tumulong para maayos ang anumang gusot na napasukan niya.

“Sayang talaga pag sa ganito lang mapupunta ang buhay mo. Lalo pa nga at ang ganda ng umpisa mo,” aniya pa.

Ipagdarasal daw niya na maging maayos pa ang buhay ni Jay at makabalik sa dati.

“Ipagdasal natin maayos pa ang buhay ni Jay Sonza at kung puwede pa mabalik sa naiwan niyang career. Sayang talaga, parang itinapon mo ang buhay mo na ang ganda na sana. Prayers na lang puwede natin gawin para sa kanya,” sey ni ‘Nay Lolit.

Sa news reports na naglabasan last Tuesday ay nakumpirmang inaresto si Jay last month dahil sa mga kasong estafa at syndicated and large scale illegal recruitment.

Sa panayam ng ABS-CBN kay NBI Assistant Director Glenn Ricarte, July 18 nang maaresto si Jay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Papunta raw sana ang dating news anchor sa Hong Kong pero hinarang siya ng Bureau of Immigration nang malaman na may mga pending case ito.

Pagkatapos mai-turn over sa NBI, dinala naman si Jay sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng isang commitment order mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 100.

AUTHOR PROFILE