Cristy

Cristy sa TAPE, Inc. ‘Fake Bulaga’ warning: Pinagtatawanan ng vloggers

August 16, 2023 Vinia Vivar 285 views

Pinagtatawanan umano ng mga vlogger ang naging pahayag ng abogado ng Television and Production Exponents, Inc. (TAPE, Inc.) na idedemanda ng kumpanya ang lahat ng tumawag sa Eat Bulaga ng Fake Bulaga.

“Ang lahat ng mga vlogger, pinagtatawanan ‘to,” sey ng batikang manunulat/host/vlogger na si Cristy Fermin sa kanyang vlog.

“Kasi nga po, nag-issue ng pahayag ang abogado ng TAPE, Inc. na kung sinuman po ang tatawag sa kanila ng Fake Bulaga ay idedemanda nila.

“Eh, may mga abogado ngayon na nagbibigay din ng opinyon na pinagtatawanan din ito.

“Dahil sa’n kayo nakakita na tinawag lang kayo ng Fake Bulaga, hahantong na kayo sa demandahan?” ani ‘Nay Cristy.

“Ang tanong, ilang katao po sa Pilipinas ang inyong kakasuhan at ipakukulong dahil lamang sa pagtawag sa inyo ng Fake Bulaga? ‘Di ba? Ilang kaso ang inyong haharapin sa hearing?” dagdag pa ng beteranang manunulat.

“Ito po talaga ay nag-iimbita ng pagtatawa, sa totoo lang,” sambit pa niya.

Para kay ‘Nay Cristy, ang ganitong bagay ay hindi na dapat humahantong pa sa korte.

“Tama po na magsabi kayo na hindi kayo dapat tawagin ng Fake Bulaga lalo na’t nakuha n’yo na po sa IPO ‘yung titulo na hanggang 2033 ay magagamit n’yo. Sana po, hanggang doon na lang,” mahinahong payo ni ‘Nay Cristy sa TAPE, Inc.

“’Wag na sana ‘yung mga parang nagtatakutan tayo na kapagka tinawag naming Fake Bulaga ang inyong programa ay madedemanda kami. Huwag naman po ganu’n.

“Kaya nagtatawanan ang mga vlogger. Lahat ng vloggers na natiyempuhan ko, pinanood ko, nagtatawa talaga sila,” sey pa ni ‘Nay Cristy.

As far as their vlog is concerned, noong una pa man daw ay “TAPE Bulaga” ang kanilang tawag sa Eat Bulaga.

“Kahit balikan n’yo po ‘yung marami naming episodes, ‘TAPE Bulaga’ ang tawag namin sa inyo,” aniya pa.

Sey niya ulit, “Dahil ‘yan po ang katawagan ng buong bayan. Huwag n’yo nang ikinagagalit ‘yung ganyan. Nakuha n’yo na nga po ‘yung karapatan hanggang 2033, eh.”

Iginiit din ng veteran writer/vlogger na kung naniniwala naman ang TAPE, Inc. na hindi sila fake, kahit tawagin pa silang Fake Bulaga ay hindi nila ito dapat ikagalit.

AUTHOR PROFILE