Ligtas na serbisyong MC taxi, isinusulong

March 5, 2022 Jun I. Legaspi 258 views

NAGPULONG ang mga kinatawan ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) upang paigtingin ang mga nasimulang pag-aaral at plano tungkol sa pagkakaroon ng epektibo at ligtas na motorcycle taxi service sa Pilipinas, nitong Sabado.

Upang mapagpatuloy ang mga nasimulang hakbang sa sinagawang pag-aaral sa motorcycle taxi sa bansa, pormal nang inindorso ni former Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Special Concerns Manny Gonzales ang kanyang Chairmanship sa bagong I-ACT (Inter-Agency Council on Traffic) Chief Charlie Del Rosario.

Tinalakay sa pagpupulong, kasama ang mga kinatawan mula sa Angkas, Joyride, at Move It, ang mga bagong kaganapan ukol sa kaligtasan, fleet management, continuous rider education, at service demand ng motorcycle taxi.

Ani ni dating Asec Gonzales, “the product of the pilot study will be a great help in creating guidelines in the implementation of the Motorcycle Taxi Bill.”

Binigyang papuri ni TWG Chair at I-ACT Chief Charlie ang magandang safety records ng 3 motorcycle taxi service providers, patunay na isa itong ligtas at epektibong alternatibong transportasyon. Ligtas man magmaneho ang mga riders nito, nagpaalala naman siya na mag-ingat sa mga abusado at kaskaserong drivers na maaari nilang maengkwentro sa daan.

“Having a track record of zero road crashes is a tall order; challenges can be overcome. All it takes is the willingness to do so,” wika ni Chief Charlie.

Pinaalala pa niya na ang kaligtasan sa daan ay responsibilidad din ng rider at operator, kung saan kailangan ipagpatuloy ang pagkakaroon ng road safety training sa riders at maiging vehicle inspection upang masigurong nasa wastong kondisyon ang sasakyan.

“Insurance is not enough. May pamilya ang rider at may pamilya [rin] ang madidisgrasya. Hindi lang isang tao ang madadamay kundi isang buong pamilya ang mamimiligro,” dagdag ni Chief Charlie.

Nanguna rin sa pagpupulong sina TWG Co-Chair at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Board Member Joel Pernito, kasama sina Angelo Quinto ng LTFRB, I-ACT Deputy Isaias Espino, I-ACT PIO Head Anna Leah Morales, Francis Juan ng Move It, Sherwin Yu at Rico Meneses ng Joyride, George Royeca ng Angkas, at iba pang kinatawan ng mga nasabing grupo.

Naging maganda ang bunga ng naganap na pagpupulong ng TWG dahil ang mga dagdag na pag-aaral at proposal ng bawat isa ang naging paraan upang mas magkaroon na matibay na solusyon pagdating sa pagpapaganda ng public transportation sa bansa at matulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng disenteng hanapbuhay at masasakyan.

AUTHOR PROFILE