Default Thumbnail

2 sugatan sa sunog sa Baseco, motor ng bumbero dinekwat

March 4, 2022 Jonjon Reyes 352 views

DALAWANG individual ang sugatan kabilang ang isang miyembro ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection (BFP) habang isang fire volunteer naman ang nawalan ng Yamaha NMax na motorsiklo makaraang sumiklab ang sunog sa Baseco Compound, Port Area, Manila, umaga nitong Biyernes.

Nagamot naman sa pinagdalhang ospital matapos magtamo ng 1st degree burn sa katawan si Fire Officer 1 Adrian Gabriel Jose habang pinalo naman ng matigas na bagay at sinaksak pa sa likuran ang isang Elvis Tanio, 17, at nahulog pa sa bubungan at binigyan ng paunang lunas ng Philippine Red Cross Volunteer.

Nawala naman ng motorsiklo na Yamaha NMax ang isang fire volunteer na si Mar Flordeliza matapos itong ipark ng ilang minuto malapit lamang sa nasusunog na kabahayan.

Samantala 3 residente ang binitbit ng mga barangay tanod nang sila umano ay ireklamo nang pagnanakaw sa kasagsagan ng sunog.

Base sa ulat ng BFP, nagsimula ang sunog bandang alas-8:36 ng umaga sa Block 5 Extension, Baseco Compound, Port Area na kung saan umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out ng dakong alas-10:57 ng umaga.

Umabot sa 50 bahay ang nadamay na tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng Arson Division sa sanhi ng sunog.

Nalaman na nahirapan rin ang mga bumbero na patayin ang sunog dahil sa kawalan ng fire hydrant sa lugar. Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE