NPA

Leni docu nakuha sa 2 NPA

April 25, 2022 Marlon Purification 692 views

NPA12 rebelde patay sa encounter

DALAWANG miyembro ng teroristang New People’s Army (NPA) ang napatay matapos maka-engkuwentro ang tropa ng mga militar at pulisya sa Calintaan, Occidental Mindoro nitong Lunes ng umaga.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang pagkakakilanlan ang dalawang bangkay, ngunit nakuha sa kanila ang matataas na kalibre ng baril, subersibong dokumento at ilang campaign materials ni Leni Robredo.

Ayon kay Brig Gen. Jose Augusto Villareal, commander ng 203rd Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army, wala pang malinaw na impormasyon kung ang mga naka-engkuwentro nilang NPA ay parte ng ginagamit na campaign team ni Robredo.

“Wala pa po tayong impormasyon tungkol diyan, pero tsine-check na po natin iyan,” ani Villereal.

Sa mga ipinadalang larawan sa pahayagang ito, kita rito ang duguang bangkay at mga narekober na ebidensiya, kabilang na ang mga campaign materials ni Robredo.

Sinabi ni Villareal na nakatanggap ang tropa ng sumbong mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong grupo.

Nagkasa ng agarang operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Mindoro PNP, Special Action Force, 76th IB, 68th IB, 4th IB, 23rd MICO at 23DRC upang suyurin ang bulubunduking bahagi ng Bgy. Malpalon, bayan ng Calintaan.

Doon aniya nakasalubong ng tropa ang mga armadong kalalakihan na mukhang kagagaling lamang sa pamamahinga.

“Parang temporary hideout. Siguro nagpe-prepare iyong kalaban na umalis…. Most likely doon sila nagpalipas ng gabi,” anang heneral.

Ang 203rd IB na pinamumunuan ni Gen. Villareal ay nasa ilalim ng pamamahala ni Gen. Rowen Tolentino ng 2nd Infantry Division na nakabase sa Tanay, Rizal.

Nagkaroon ng ilang minutong pagpapalitan ng putok hanggang mapilitang umatras ang mga terorista saka iniwan ang dalawang bangkay ng kanilang kasamahan.

Idinagdag ni Villareal na sa pamamagitan ng hot pursuit operation, muli pang nagkaroon ng engkuwetro.

Walang iniulat na napatay sa panig ng puwersa ng pamahalaan, ngunit isang sundalo ang bahagyang nasugatan. “Slightly wounded lang, pero okay na siya ngayon,” sabi pa ni Villareal.

May nakitang bakas ng dugo sa mga lugar na pinangyarihan ng engkuwentro kaya naniniwala ang mga awtoridad na posibleng marami pang nasugatan sa mga teroristang NPA.

Kung matatandaan, kinumpirma mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipag-alyansa ni Robredo sa mga teroristang NPA kung saan ay sinabi pang may plano ang mga ito na guluhin ang inaabangang May 9 election.