Bong Go

‘Legasiya ni Flash Elorde ipagpatuloy’ — Bong Go

March 28, 2023 People's Tonight 289 views

Bong GoBong GoNANATILING inspirasyon ng mga Filipino, partikular ng mga kabataang nangangarap na maging mahusay sa larangan ng boksing, binigyang diin ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat maipagpatuloy ang legasiya ng maalamat na si Gabriel “Flash” Elorde tungo sa pagpapaunlad ng palakasan, partikular na sa grassroots.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag sa kanyang pagdalo sa Boxing Awards Banquet of Champions sa Okada Manila sa Parañaque City kasabay ng pagsasabi kung gaano kahalaga ang pamumuhunan sa sports development sa bansa.

Ang nasabing event ay ginanap upang parangalan ang pamana ng maalamat na Pilipinong boksingero, si Gabriel “Flash” Elorde, at upang kilalanin ang mahuhusay na propesyonal at amateur na boksingero sa Pilipinas. Dumalo rin si dating senador at boxing legend Manny Pacquiao sa okasyon.

Sa kanyang talumpati, pinuri ni Go si Elorde dahil hindi lamang siya isang maalamat na boksingero kundi isang mapagkukunan ng inspirasyon para sa maraming Pilipino.

Kabilang si Go sa humahanga kay Elorde kaya patuloy siya sa pagtataguyod ng sports at suporta sa mga atleta.

“Bata pa ako, idol ko na si Flash Elorde. Parati ko pong naririnig. Inspirasyon s’ya sa boxing noon pa, kabilang si Manny Pacquiao, who is now a boxing legend himself,” sabi ni Go.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapanatiling buhay sa legasiya ni Elorde kasabay ng papuri sa dedikasyon ng pamilya Elorde sa pagsusulong ng boxing sa mga kabataan at pagsuporta sa aspiring athletes.

“Lumilikha sila ng mga oportunidad para sa ating kabataan at mga atleta upang maabot ang kanilang potensyal sa naturang larangan,” anang senador.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on sports, buong-buo niyang sinusuportahan ang mga pagsisikap na mabigyan ng access sa mga pasilidad at programa sa palakasan ang mga atletang Pilipino na lumalaban sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon.

Binanggit ni Go ang mga insentibo na ibinigay sa mga atletang Pilipino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020 Tokyo Olympics at nakaraang Southeast Asian Games, bukod sa mga ipinag-uutos ng batas.

“Maaaring maliit na halaga, ngunit isang malaking karangalan para sa ating mga atleta na makatanggap ng pagkilala mula sa gobyerno,” ani Go.

Kilala ring mahilig sa sports, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pamumuhunan sa grassroots sports development.

“Noong panahon po na nagte-training pa si Hidilyn Diaz, naghanap tayo ng private sponsors na makatutulong pa, which helped in her winning the gold medal in the Olympics,” ayon sa mambabatas.

Ibinahagi rin ni Go na siya ang sumulat at nag-sponsor ng panukalang batas sa Senado na naging Republic Act No. 11470 noong 2020. Ang batas nagtatag sa National Academy of Sports System at Main Campus sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Ang NAS ay nag-aalok ng programa sa sekondaryang edukasyon na may pinagsamang espesyal na kurikulum sa palakasan. Binuo ito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education at Philippine Sports Commission.

Sinabi ng senador na kailangan ng mas pinagsama-sama at malawak na paraan para sanayin ang mga atletang Pilipino at isulong ang grassroots sports development sa bansa.

Sa ganitong pananaw, ipinakilala niya ang Senate Bill No. 423 o ang Philippine National Games Act of 2022, na titiyak sa mas inklusibong sistema ng paghuhubog sa promising Filipino athletes na may potensyal sa iba’t ibang larangan ng sports.

AUTHOR PROFILE