TVJ

Legal counsel ng TAPE, nag-react sa desisyon ng IPO

December 13, 2023 Jun Nardo 126 views

BINIGYANG-LINAW ng legal counsel ng TAPE, Inc. na si Atty. Maggie Garduque ang desisyong inilabas ng adjudicator ng Bureau of Legal Affairs Division ng Intellectual Property Office kaugnay ng pag-ayon nito sa registration ni Joey de Leon sa trade name ng Eat Bulaga sa isang mini-presscon sa APT Studios.

Natanggap na nila ang desisyon ng Intellectual Property Office.

May time frame ang legal counsel ng TAPE ng listahan ng pending cases gaya sa IPO at ‘yung copyright infringement case sa Regional Trial Court sa Marikina Office ni Jeny Ferre ng TVJ Productions.

“’Yung desisyon ng adjudicator ng Bureau of Legal Affairs ay appealable. Puwede itong iapela ng TAPE, Inc. sa director ng Bureau of Legal Affairs.

“In the decision ng adjudicator ay puwede pang iapela sa director ng Bureau of Legal Affairs ng IPO.

“Kinumpirma naman ni Atty. Buko ng TVJ na ‘yung desisyon ng BLA ay puwede pang iapela sa Court of Appeals hanggang sa Supreme Court,” pahayag ni Atty. Maggie.

Ayon pa sa abogada, hindi pa tapos ang findings ng adjudicator. Puwede pang ma-reverse o ma-affirm ang desisyon nito.

“Kaya pakinggan naman nila ang apela namin sa desisyon at huwag po nating i-preempt ang desisyon ng body na magre-review o titingin uli sa desisyon ng adjudicator.

“Dahil nga hindi pa siya pinal, hindi pa siya puwedeng i-execute. Ito po ay napaka-basic sa lahat ng legal proceedings o processes.

“Ano ang ibig sabihin ng i-execute? Dahil hindi pa pinal ang cancellation, hindi pa siya puwedeng i-cancel talaga,” diin pa ng TAPE lawyer.

Ayon umano sa website ng IPO, ang status ng registration ng TAPE sa Eat Bulaga ay registered habang ang status ng registration ni Joey ay pending.

Pinasubalian ni Atty. Maggie na na-award na kay Joey ang name na Eat Bulaga.

“Kaya ang pangalan ng Eat Bulaga ay maaari pa rin naming gamitin (TAPE) until such time na may pinal na desisyon at hindi na natin puwedeng gamitin ang Eat Bulaga.

“We know that there is a call from TVJ to respect the decision and we are respecting the decision po. We are respecting the process also,” rason pa ni Atty. Maggie.

Nakapag-file na ang TAPE sa Director of Legal Affairs nu’ng isang araw. “Nirerespeto po namin ang desisyon. Sa amin lang, irespeto rin nila ang proseso,” diin pa ng abogada.

Wala ring inilabas na restraining order kaya tuloy pa rin ang Eat Bulaga sa GMA except sa original na theme song nito.

Mahaba pa ang tatakbuhin ng TVJ-TAPE trademark controversy.

AUTHOR PROFILE