Inton

LCSP: Meron pa rin 20% discount sa public vehicles

January 24, 2022 Jun I. Legaspi 494 views

UMIIRAL pa rin ang 20 percent discount sa public transport kahit na may 70 per cent maximum limit sa passenger capacity, ayon sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, may mga senior citizen na pasahero na taga-QC ang nagtatanong kung kikilalanin ng mga driver at konduktor ang bagong labas na QC card.

“Bakit hindi? Nakalagay naman doon ang petsa ng kapanganakan para madaling ma-verify and edad ng pasahero,” ani Inton.

Dagdag pa ni Inton na “kung walang Office of Senior Citizens Identification (OSCA ID) ay pwede ang government issued ID tulad ng drivers’ license o voters ID. At dito nagkakalituhan dahil tinatanong kung ang QC Card ay official ID na maaring magamit hindi lang sa transport pero sa mga establisyamento para mabigyan ng discount.”

Sinabi rin ng LCSP founder na nagiging problema rin daw kung ito ang ipinakikita sa labas ng Quezon City. “Sabi nga ng ilang senior citizens mas mainam ang OSCA ID dahil ito ang nasa batas at ino-honor kahit saan na no-questions asked!,” aniya.

Ipinaliwanag Into na “Ito ang nais na gawing simple ng RA 11055 o Philippines Identification Systems Act dahil sa hindi na kakailanganin ang ano mang ID dahil ang petsa ng kapanganakan ay nandoon na. Ang ibang LGU na nagbibigay ng additional benefits sa kanilang senior citizens ay nagrerequire na yun LGU issued ID ang gamitin para sa additional benefits.

Sa kabila ng lahat nang ito ang naiipit ay ang pobreng senior citizen, sabi pa niya.

“Ang mungkahi namin ay basta mapatunayang gamit na anumang identification card na senior citizen ang bearer ay sapat na ito para ibigay ang diskwento na saad ng batas. Naalala ko noong nasa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ako, may nagsumbong na isang pasahero laban sa isang bus company na hindi siya binigyan ng discount dahil hindi niya dala ang ID niya – pero sa itsura ng nasabing pasahero ay sigurado naman na senior citizen na ito,” saad ni Inton.

Ayon kay Inton, ang ID ay isang dokumento na nagpapatunay na senior na ang pasahero, pero kung sa itsura pa lamang ay walang kaduda-duda na senior na siya dapat ibigay ang diskwento sa kanya.

Dapat ay hingin lamang ang ID kung nay sapat na duda ka sa edad niya, saad ni Inton.

AUTHOR PROFILE