Default Thumbnail

Lalaki nahuling nagpuputol ng kable ng telepono, timbog

October 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 256 views

ARESTADA ang isang lalaki matapos na mahuling nagpuputol ng kable ng telepono sa Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Ang suspek ay nakilalang si Bobby Ramos, 36, ng Sauyo Palengke Road, Brgy. Sauyo, Quezon City.

Sa ulat na natanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Nicolas Torre III, mula kay PLt.Col. Garman Manabat, Station Commander ng La Loma Police Station, nabatid na alas-12:39 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa A. Bonifacio near corner 11th Ave., Brgy. Balingasa, Quezon City.

Nagpapatrulya umano ang security guard na si Alejandro Narciso, ng St. Clair Security & Investigation Agency Inc. nang makita ang suspek habang nagpuputol ng mga kable ng PLDT kaya’t kaagad na itong pinigil at isinuplong sa mga pulis.

Pagdating ng mga pulis ay kaagad nang inaresto ang suspek, na nakumpiskahan ng 400 pares ng 0.4 gauge na may habang apat na metro, at nagkakahalaga ng P12,756.00, steel saw cutter at sumpak na loaded ng 12 gauge shot gun ammunition.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10515 o Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013 at RA 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.