
MWP sa ilegal na droga nasakote ng MPD
ARESTADO ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) Station 2 katulong ang mga operatiba ng Regional Mobile Force Batallion (RMFB) sa isang “most wanted person” (MWP) sa droga, makaraang hindi umano ito sumipot sa korte.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Rick”, diumano’y miyembro ng “Sputnik Gang”, ng Tondo, Maynila.
Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng MPD Stn. 2, bandang 5:45 ng hapon nitong Miyerkules nang isagawa ang pag-aresto sa suspek sa panulukan ng Wagas at Lakandula Sts. sa Tondo.
Pinamunuan naman ni P/Major Mark Christopher Del Mundo ng Station Warrant Section at ni P/Maj. Ronilo Aquino ng 6th Mobile Force Company ng RMFB ang operasyon upang arestuhin ang suspek sa nasabing lugar.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa MWP nang iutos ni Presiding Judge Anna Michella Cruz Atanacio Veluz ng Regional Trial Court, Branch 169 ng Malabon.
Kabilang din sa listahan ng mga most wanted ang suspek sa station level at may inilaang piyansang P200,000 sa kasong paglabag sa Section 11 Article ll ng RA 9165.