Default Thumbnail

Lalaki ginawang ‘pulutan’ sa inuman

June 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 378 views

MISTULANG naging pulutan na kailangang katayin ang isang lalaki matapos saksakin umano ng kaniyang kainuman sa kainitan ng isang pagtatalo nitong Martes sa lungsod Quezon.

Agad na nasawi ang 39-anyos na residente ng Brgy. Pasong Putik, Quezon City.

Patuloy pinaghahanap ng pulisya ang suspek.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente sa Star Market na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Bago umano mangyari ang insidente ay nag-iinuman ang biktima at ang suspek kasama ang iba pang kasamahan sa trabaho.

Sa kalagitnaan ng pag iinuman ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang amo ng suspek dahilan upang magalit ang suspek sa biktima.

Bigla na lang tumayo ang suspek at kumuha ng patalim sabay saksak sa leeg ng biktima ng ilang beses.

Bago umano tumakas ang suspek ay inihagis pa nito ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.