Default Thumbnail

Lalaki binugbog, sinakal ng face mask sa QC, dedo

November 23, 2021 Melnie Ragasa-limena 234 views

BINUGBOG at sinakal ng face mask hanggang sa mapatay ang isang hindi pa nakilalang lalaki bago inabandona ng mga salarin sa Barangay Payatas, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Inilarawan ang biktima na nasa edad 30-35, may taas na 5’7″, medium built, nakasuot ng gray sublimation t-shirt, black short pants at may mga tattoo na “KIMBERLY” sa dibdib, “AKP” sa tiyan at kaliwang binti.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 2 a.m. November 23 nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Payatas Road, Group 5, Barangay Payatas.

Batay sa imbestigasyon ni Pat Nestor V Ariz Jr. ng CIDU, nagpapatrulya ang mga tanod na sina Reynold Mendiola at Michael Libdon at pito pa, sakay ng barangay mobile patrol nang mamataan umano ang biktima na nakabulagta sa bangketa sa nasabing lugar.

Nang lapitan umano ng mga tanod ang nakabulagtang biktima ay nadiskubreng may nakapulupot sa leeg nito na cotton tube mask.

Dahil dito ay agad na itinawag ng mga tanod sa pulisya ang insidente para sa masusing imbestigasyon.

Nakasamsam sa crime scene ang SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph Infante ng screw driver at puting kable na nakatali sa magkabilang kamay ng biktima.

Ayon kay Maj. Infante, ang biktima ay nagtamo ng mga malalalim na sugat sa dibdib, ulo, at sa likuran ng katawan, bukod pa sa marka nang pagkakasakal sa leeg nito.

Nagtungo naman ang mga awtoridad sa Barangay Payatas upang imbitahan ang mga testigo at kunan ng pahayag subalit hindi umano pumayag ang kanilang Ex-O na nakilalang Alejo Valiente.