Crime

Lalaki, 11, nabaril sa ulo ng kaaway ng tiyo

February 4, 2024 Gil Aman 82 views

SUGATAN ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos aksidenteng mabaril sa ulo ng lalaking suspek na nakaaway ng kanyang tiyuhin habang nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng pangunguryente sa isang palayan sa Laguna noong Sabado ng gabi.

Sa ulat ni P/Capt. Myra Desiree Pasta, hepe ng Victoria police station, ang biktima ay nagtamo ng tama ng hindi mabatid na kalibre ng baril sa kanyang ulo at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz, Laguna.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang pamamaril ay naganap dakong alas-10 ng gabi habang kasama ng biktima ang kanyang tiyuhin upang manghuli ng isda sa pamamagitan ng kuryente sa taniman ng palay.

Subalit sa hindi inaasahang pangyayari, ang armadong suspek na kasalukuyan ding nangunguryente sa lugar ay nakasagutan ng tiyuhin ng biktima. Ito’y nagresulta sa pamamaril subalit sa halip na tamaan ang tiyuhin ay sa bata tumama ang bala.

Ayon sa pulisya, matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek na pansamantalang hindi pinangalanan at nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya.

Nagalit umano ang suspek dahil sa iisang lugar ang ginawang pangingisda ng tiyuhin ng biktima kung kaya wala na itong nahuhuli.

AUTHOR PROFILE