Lacuna Manila Mayor-Elect Honey Lacuna, City Administrator Felix Espiritu, and Ms. Philippines Earth 2022 candidate Justiene Ortega who hails from Manila attend the flag ceremony.

Lacuna dumalo sa flag-raising ceremony

June 6, 2022 Edd Reyes 383 views

MAINIT ang naging pagbati ng mga kawani ng Lungsod ng Maynila sa ginawang pagdalo ni Vice Mayor at ngayon ay Mayor-Elect Sheila “Honey” Lacuna-Pangan sa ginanap na pagpupugay sa watawat sa unang Lunes ng buwan ng Hunyo.

Ilang ulit ding hindi nakadalo ang bise alkalde sa pagpupugay sa watawat matapos siyang maghain ng bakasyon makaraan ang halalan upang dumalo sa graduation ceremony ng anak nilang babae ng kanyang mister na si Dr. Arnold “Poks” Pangan sa labas ng bansa.

Si City Administrator Felix Espiritu ang nagsalita sa entablado matapos ang pagpupugay sa watawat kung saan binanggit niya na 24 na araw na lamang simula Lunes, Hunyo 6 ay magsisimula ng manungkulan ang bagong pamunuan ng Lungsod ng Maynila.

“Mapalad ang Lungsod ng Maynila dahil ang kauna-unahang babae na nahalal bilang alkalde, na anak pa ng dating Bise Alkalde Danny Lacuna, ay magsisimula ng manungkulan,” wika ni Espiritu na sinabayan ng masigabong palakpakan ng mga opisyal at kawani ng City Hall.

Wika pa ni Espiritu, kailangan nilang maging gabay ang tagubilin ni Mayor Isko Moreno sa lahat na kailangang salubungin ang buong linggo ng “isang masipag at laging nakangiting paglilingkod, isang paglilingkod na may tapat at sipag aniya ang dapat na ipagkaloob sa mamamayan ng lungsod.”

Pinasalamatan din ni Espiritu ang pagdalo sa flag-raising ceremony ng kandidato ng Miss Philippine Earth 2022 na si Justiene Ortega na aniya ay isang tunay na Manileño.

AUTHOR PROFILE