Default Thumbnail

Labu-labo sa Halalan 2022

September 9, 2021 Marlon Purification 534 views

Marlon PurificationMAKULAY, makabuluhan at maramdamin ang launching ng tambalan nina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na kapwa nagdeklara sa pagtakbo sa pampanguluhan at bise-presidente sa inaabangang Halalan 2022.

Kasabay ng launching ng Lacson-Sotto tandem ay opisyal na ring tinapos ni Senador Manny Pacquiao ang 10-day quarantine nito sa Conrad Hotel matapos bumalik sa bansa noong August 30 mula sa pagkatalo kay Cuban boxer Yordenis Ugas.

Tumanggi pa ring maglabas ng direktang pahayag si Pacquiao kung sasabak ito sa pampanguluhan sa susunod na taon at sa halip ay inilatag ang ambisyosong plano na libreng pabahay sa mga mahihirap.

Gayunman, tatapatan din ng kampo ni Pacquiao mula sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ang isinagawang convention naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi ng nasabi ring partido. Muling dumalo sa Cusi faction ang Pangulong Rodrigo Duterte, pero sinabi ni Pacman na sa darating na Setyembre 19 ay magsasagawa sila ng kanilang sariling convention na dadaluhan ng libu-libong grassroots member ng rulling party.

Nitong Miyerkules ng hapon ay kakaibang Manila Mayor Isko Moreno ang humarap sa media. Matapang nitong binatikos ang administrasyon at sinabing sa halip na magsayang ng multibilyon-pisong pera ng taumbayan sa pagbili ng face shields ay dapat ibili na lamang gamot sa COVID-19 na Remdesivir at Tocilizumab.

Maliban sa isyu ng pagpapa-audit sa pondo ng Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Senate Blue Ribbong committee chairman Richard Gordon, wala pang detalyadong sagot ang Malakanyang para sagutin punto por punto ang akusasyon ng katiwalian sa Department of Health at Department of Budget and Management – Procurement Service.

Naniniwala tayong mabibigyang linaw ang lahat ng isyu sa mga darating na araw, lalo na ang sinasabing P8.6 billion na kontratang ibinigay sa Chinese company owned na Pharmally Pharmaceutical Corp.

Kayang-kaya itong sagutin ng tanggapan ng Pangulong Duterte, partikular na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ni Senador Bong Go.

Sa mga pangyayaring ito, walang duda na malapit na talaga ang eleksiyon. Halos tatlong linggo na lang kasi ay nakatakda na ang filling ng certificate of candidacy sa Commission on Elections (COMELEC) sa darating na Oktubre 1-8.

At normal sa sistema ng demokrasya ang batuhan ng putik sa pagitan ng oposisyon at administration.

Sa tatlong linggong ito, asahan na marami pang mangyayari. Sa panayam natin kay Pacquiao via Zoom conference sa Senate media, sinabi nito na wala pang linaw kung matutuloy ang pakikipagtambal nito kay Moreno.

Consistent ito sa sinasabi na tatlo lamang ang posibleng mangyari sa kanyang karera. Una ay tumakbo sa pampanguluhan, ikalawa ay mag-reelectionists at ikatlo ay magretiro na sa gobyerno.

Habang si Isko sa mainit na pag-atake nito sa pamahalaan ay nagpahiwatig na magkikita-kita sila ng Malakanyang sa darating na Oktubre.

Kaugnay nito, tinanggap na rin ng Pangulong Duterte ang nominasyon ng kanyang partido para tumakbo sa pagka-bise presidente. Ang umuugong na magiging presidential candidate nito ay si Senador Bong Go.

Magandang laban ito kung sakali.

Lacson-Sotto versus Go-Duterte at asahang sa mga darating na araw ay magkakaroon din ng pormal na deklarasyon kung magsasanib puwersa sina Pacquiao at Moreno. Kung hindi man ay posibleng makasama ng isa sa kanila si Vice-President Leni Robredo o Senadora Grace Poe.

Samantalang sa isang sulok ay tahimik pero unti-unti ring gumagapang si dating Senador Bongbong Marcos na desidido ring sumabak sa pampanguluhan sa susunod na taon.

Kaya konting tiis pa mga ate at kuya at pasasaan ba ay magkakaroon na ng linaw kung sinu-sino ba talaga ang maglalaban-laban para sa May 2022 national at local elections.

Kasabay nito, asahan din natin ang pagkakaroon ng ‘baligtaran’ o ‘balimbingan’ sa mga darating pang araw.