Bong Go

Kumpletong nutrition program para sa senior citizens suportado ni Bong Go

February 7, 2023 People's Journal 318 views

HINIMOK ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na unahin ang kalusugan ng lumalaking populasyon ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga nakatatanda ng isang komprehensibo at pinahusay na programa sa nutrisyon.

“In principle po, suportado ko po ito. Importante po sa akin ang kalusugan. Isa po iyan sa aking adbokasiya, ‘yang health at sports. Maganda po ang hangarin ng panukalang batas,” sabi ni Go matapos niyang personal na ayudahan ang indigents sa Compostela, Davao de Oro.

“Suportado ko po ang anumang hakbang na magpapabuti lalo na sa kalusugan at kapakanan ng ating mga senior citizens,” idinagdag niya.

Inihain sa 19th Congress ang Senate Bill No. 1799 at House Bill No. 7064 na naglalayong magbigay ng komprehensibong nutritional support sa mga matatanda.

Sa ilalim ng mga panukala, ang National Nutritional Council ay kinakailangang lumikha ng isang komprehensibong nutrition at wellness program para sa mga senior citizen sa bawat munisipalidad.

Ang programang ito ay dapat na paunlarin sa pakikipagtulungan ng Department of Health at local government units.

Ang mga LGU, sa pamamagitan ng kanilang mga lokal na eksperto sa kalusugan, ay dapat na regular na bisitahin ang lahat ng senior citizen sa kanilang nasasakupan upang matiyak na sila ay makatatanggap ng malusog na diyeta na naaayon sa nilalayon ng programa at angkop para sa kanilang estado ng kalusugan.

Samantala, binigyang-diin ni Go na ang mga matatanda ay ilan sa bulnerableng miyembro ng lipunan at dahil dito, nangangailangan sila ng mas mataas na antas na pangangalaga.

“The more na pangalagaan po natin ang ating mga senior citizens. Sila po ‘yung matatanda na, sila po ‘yung vulnerable,” ani Go.

“Tayong mga Pilipino po ay family-oriented tayo. Nasa kultura na natin na inaalagaan talaga natin ang ating mga lolo at lola. Hindi katulad sa ibang bansa iniiwan na lang po sa home for the aged.

Tayo, hanggang sa pagtanda usually sinasamahan talaga natin ang ating mga lolo’t lola,” ayon kay Go.

Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagtiyak sa kanilang pangkalahatang kalusugan sa pamamagitan ng wasto at kumpletong nutrisyon.

“Bigyang halaga natin ang kalusugan ng bawat isa. Hindi lang po ng ating mga senior citizens, kung ‘di ng bawat Pilipino lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap,” aniya.

Nauna rito, co-authored si Go ng Republic Act No. 11916 na nag-amyenda sa RA 7432 para taasan ang monthly pension allowance ng senior citizen mula P500 hanggang P1,000. Ang nasabing pagtaas ay para masuportahan ang kanilang pangunahin at medikal na pangangailangan.

Sa ilalim ng batas, ang buwanang stipend ay ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa anyo ng cash, direct remittance, electronic transfer, o iba pang paraan ng paghahatid, alinman ang mas maginhawa sa benepisyaryo.

AUTHOR PROFILE