Default Thumbnail

Kudos sa Rotary Club of Kalookan North

February 26, 2022 Marlon Purification 481 views

Marlon PurificationMULA’T mula ay humahanga tayo sa adbokasiya at dedikasyon ng Rotary Club.

Nakamamangha ang kabutihang loob na kanilang ginagawa sa tuwing tumutulong sa mga salat nating kababayan.

Kahit ngayong pandemya, isa ang naturang samahan sa hindi nagpahuli sa pagbibigay ng anumang tulong sa abot ng kanilang makakaya.

Bukod sa iba’t ibang aksiyong may malasakit, hindi rin sila nagpapahuli sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon para sa karagdagang kaalaman nating lahat. Lalo na ang tungkol sa kahalagahan ng bakuna kontra sa pandaigdigang epidemya.

Kaya nga ang Rotary Club of Kalookan North ay hindi rin nagpahuli sa pagpapalabas ng makabuluhang impormasyon.

Isa na rito ang pagpapaliwanag kung bakit hindi tayo dapat mag-alangan at matakot magpabakuna.

Mahalaga ito dahil kahit anong gawin na yata ang panghihikayat ng ating pamahalaan hinggil sa kahalagahan ng bakuna, marami pa rin talaga ang pasaway na mahirap paliwanagan.

Ayon sa pag-aaral ng Rotary Club of Kalookan North, ang pagkatakot at pag-aalangan sa bakuna ay dalawang seryosong pandaigdigang alalahanin sa kalusugan ng publiko.

Nagdudulot ito ng labis na paglala sa kondisyon ng maraming populasyon.

Bagaman kinikilala ang walang kasawaang pagpapaalala ng kinauukulan, isa rin sa mga posibleng dahilan kung bakit may ganitong maling pananaw ang ilan hinggil sa bakuna, maaaring may limitadong impormasyon at edukasyon sa kalusugan.

Labas pa ang pag-aalinlangan sa pagiging epektibo ng bakuna, mga hamon sa mga proseso ng regulasyon para sa paglulunsad o pamamahagi at iba pa.

Dapat maintindihan na dahil sa matagumpay na kampanya ng pagbabakuna sa buong mundo sa nakaraan ay nagresulta rin ito sa pinabuting ekonomiya.

Ang isa sa mga naturang account ay ang pandaigdigang kampanya laban sa polio kung saan ang mga kaso ay bumaba nang husto ng higit sa 99% mula noong 1988.

Napatunayan noon pa man na gumagana talaga ang mga bakuna.

Gamit ang naaangkop na mga klinikal na pagsubok na nakabatay sa ebidensya at nakakatugon sa mga pamantayan at pag-apruba ng regulasyon, kasama ng tamang edukasyon at mga kampanyang pang-estratehikong komunikasyon, matutugunan natin ang mga maling kuru-kuro tungkol sa mga bakuna at pagbabakuna.

Naniniwala ang Rotary Club of Kalookan North (RCKN) na ang mga bakuna ay isa sa mabisang paraan para maiwasan ang lumalalang sakit na viral, kabilang ang pandaigdigang pananalanta ng COVID-19.

Ang mga pagbabakuna ay nagbibigay ng proteksyon sa mga katawan at nagkakaroon ng herd immunity.

Dahil dito, isa tayo sa nakikiisa sa kampanya hindi lamang ng Rotary Club of Kalookan North kundi ng iba’t ibang hanay ng lipunan na dapat ay manatili tayong maalam at magbigay din ng tamang kaalaman sa ating mga kababayan.

Pasasaan ba ay makakaraos din tayo sa bangungot na karanasang ito likha ng pandemya.