Default Thumbnail

Zero Discrimination Day sa Marso Uno

February 26, 2022 Magi Gunigundo 530 views

Magi GunigundoIPINAGDIRIWANG ng Zero Discrimination Day ang karapatan ng lahat ng tao na mamuhay ng buo at produktibong buhay na may dignidad. Itinatampok nito kung paano mapapataas ang kamalayan ng mga tao at maitaguyod ang pagsasama-sama , kahabagan, kapayapaan, at higit sa lahat, mabuo ang isang pandaigdigang kilusan ng pagkakaisa upang wakasan ang lahat ng anyo ng diskriminasyon.

Binibigyang-diin ng UNAIDS ang mahigpit na pangangailangan na kumilos upang wakasan ang kasalukuyang estado ng hindi pagkakapantay-pantay ng tao sa kinikita, kasarian, edad, katayuan sa kalusugan, trabaho, kapansanan, oryentasyong sekswal, paggamit ng droga, pagkakakilanlan ng kasarian, lahi, uri, etnisidad at relihiyon na patuloy na nananatili sa buong mundo.

Tinataya na ang hindi pagkakapantay-pantay sa mga bagay na ito ay patuloy ang paglaki ng diskriminasyon para sa higit sa 70% ng pandaigdigang populasyon, na nagpapalala sa panganib ng pagkakahati at humahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya at lipunan. Kitang kita ito sa pandemiya ng COVID-19 na tinatamaan ang mga taong pinaka-mahina sa lipunan. Kahit na nagdatingan na ang mga bagong bakuna laban sa COVID-19 , malaki pa rin ang bilang ng hindi makakakuha nito dahil sa diskriminasyon sa mahihina at walang laban. Inihalintulad tuloy ito ng marami na “vaccine apartheid.”

Ang pagwawakas sa hindi pagkakapantay-pantay ay nangangailangan ng radikal na pagbabago na hugis at mukha ng estado, at kailangan ng mas malaking pagsisikap upang mapuksa ang matinding kahirapan at kagutuman. Para mangyari ito, may pangangailangan na mamuhunan ang mga pamahalaan nang higit pa sa dati para sa kalusugan, edukasyon, panlipunang proteksyon at disenteng trabaho.

Dapat isulong ng mga pamahalaan ang inklusibong paglago ng lipunan at ekonomiya. Kailangan alisin ang mga batas, patakaran at kasanayan sa diskriminasyon upang matiyak ang pantay na pagkakataon. Kung baga sa larong baseball, wala na dapat isinisilang sa third base samantalang ang nakakarami ay nag-uumpisa sa pagpalo ng bola sa home plate para makarating sa first base. Samakatuwid nais natin mawala ang lamang ng mga anak ng mayayaman at naghaharing uri sa mga anak ng ordinaryong mamamayan na dehado sa edukasyon, kalusugan, at kapital sa negosyo.

“Ang hindi pagkakapantay-pantay ay gumagana laban sa pag-unlad ng tao para sa lahat. At lahat tayo ay nagdurusa sa mga mapait na bunga nito. (Antonio Guterres , UN Sec Gen). Isa itong panawagan sa mga naghaharing uri na bawasan ang kasakiman sa kapangyarihan at kasibaan sa kayamanan.

Pagdating sa edukasyon, inumpisahan natin na gawing inklusibo ang patakaran sa wikang panturo at pagsusulit sa edukasyon sa K to 12 law noon 2013. Ibinasura ng batas ang pangit at walang kwentang baylinguwal na bersyon ng wika sa edukasyon na English at Filipino lamang ang ginagamit na salungat sa Artikulo XIV Seksyon 7 ng 1987 Konstitusyon na kinikilala ang wikang panrehiyon na mga pantulong na wikang opisyal sa mga rehiyon na magsisilbi na pantulong na wika sa pagtuturo. Matigas ang ulo ng ibang edukador na ang paggamit ng unang wika ng bata ay hanggang Grade 3 lamang at English at Filipino ang bukod tanging wika sa Grade 4 pataas. Basahin ninyong maigi at namnamin ang batas (RA 10533). Maliwanag po na dapat ay gradwal ang paggamit ng mga wikang English at Filipino mula grade 4 pataas, hindi ito puedeng biglain at hindi rin puedeng ihinto ang paggamit nito sa loob ng silid paaralan. Upang maging makabuluhan ang pagdiriwang ng ZDD ngayong Marso 1, kailangan ng iwaksi ang maling kaisipan na madaling matuto ng wika ang batang Pilipino. Nagbago man ang mundo dahil sa teknolohiya, ang proseso ng pag-aaral ng wika ay nananatili pa rin sa dati nitong tiyempo.

Isa pang napapanahong patakaran na dapat atupagin ng susunod na Presidente at Kongreso ay ang paglabas ng batas na naglalaman ng kahulugan ng “dinastiyang pulitikal” na ipinagbabawal ng Seksyon 26 Artikulo II ng 1987 Konstitusyon upang matiyak na pantay ang pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan. Bagamat hindi naman masama ang lahat ng dinastiyang pulitikal, napakalaki ang bilang ng masama na nagpapabansot sa kaunlaran ng lugar.

AUTHOR PROFILE