Chacha

KORONA, IPINAMANA NI LAILA KAY CHACHA

March 13, 2023 Vinia Vivar 310 views

Nagkatawanan na lang ang disc jockeys na sina DJ Chacha at Laila Chikadora sa pang-iintriga sa kanila ng press sa grand media launch ng 92.3 Radyo5 True FM.

Iniintriga silang may rivalry lalo pa nga’t si DJ Chacha raw ang tinatawag na “Queen of FM” at hindi si Leila.

Nagsimula sila pareho sa MOR radio station ng ABS-CBN at ngayon ay pareho na silang nasa Radyo5 ng TV5.

“Si Laila Chikadora po, nakasama ko siya sa MOR before, so para po sa mga nag-i-issue sa amin, na may competition or kung ano man, wala po,” paglilinaw ni DJ Chacha.

“Isa po si Laila sa mga mentor ko noon sa MOR, I can say na isa po si Leila sa dahilan kung bakit nagkaroon ako ng malalim na relationship with Manong Ted (Failon) kasi nu’ng time na mawala si Leila doon sa ABS-CBN and then, sa DZMM, naghanap si Kabayan (Noli de Castro) at Manong Ted ng ipapalit para sa showbiz news na part po ni Miss Laila, and ang dami pong doors ang nag-open po talaga sa akin nu’ng nawala si Mareng Laila doon sa MOR and ABS-CBN.

“Hindi ko magagawa po lahat ‘yun and hindi po siguro ako nandito ngayon, isa rin po si Laila do’n kung bakit ang dami talagang pinto ang nagbukas.

“Kaya thankful po ako sa lahat ng mga naituro niya sa akin,” paliwanag ni DJ Chacha.

Dagdag pa niya, si Laila talaga ang original “Queen of FM” at ipinasa lang sa kanya ang korona.

Pagbabalik-tanaw naman ni Laila, nang paalis na siya sa ABS-CBN ay nakita niya kay DJ Chacha ang potensyal at alam niyang aariba ito pag-alis niya.

“So, ipinamana ko sa kanya. Ayun, and now ayun siya. O, ‘di ba? So, I’m also happy for Chacha,” sey ni Laila.

Napapakinggan si Laila sa kanyang radio program sa 92.3 True FM na Good Vibes with Stanley Chi habang si Chacha naman ay sa programa nila ni Ted na Ted Failon & DJ Chacha.

AUTHOR PROFILE