Mariel

KONTROBERSIYA SA GLUTA DRIP, SINAGOT NI MARIEL

February 24, 2024 Vinia Vivar 113 views

Nagbigay na ng pahayag si Mariel Rodriguez hinggil sa controversial gluta drip session post niya kamakailan.

Matatandaan na umani ng katakut-takot na batikos ang post ni Mariel kung saan ikinuwento niya nagpa-gluta drip siya sa Senate office ng mister na si Robin Padilla.

Burado na ang naturang post sa Instagram ni Mariel.

Sa latest live selling session ni Mariel last Friday night ay in-address niya ang isyung ito.

“Gusto ko munang magkuwento sa inyo what really happened,” simula niya.

“So, ako po, I don’t naman always go to the Senate, minsan lang po ako nagpupunta doon. It just so happened na I was there for the… I was there kasi I was supporting the Eddie Garcia Bill.

“So andu’n ako, two Mondays na akong nandu’n, nu’ng second reading and third reading, for the Eddie Garcia Bill,” aniya.

Sa third and final reading ay super happy umano siya dahil unanimous ang desisyon ng mga senador.

“So, super happy because it was a unanimous decision sa mga senator at sabi ni Senator Imee, matagal na raw na panahon na walang unanimous decision, na lahat sila nag-vote ng yes. So, it was such a win,” tsika niya.

“Ngayon, 8 o’clock, every week po talaga, I do my (IV drip service) vitamin drip,” aniya.

“Bakit ko ‘yan ginagawa? It is for health reasons. Kailangan po naglalagay tayo ng bitamina sa ating katawan. At ‘yung bitamina na ‘yan, I don’t get sick, alam mo ‘yun ang lakas-lakas ng resistensiya ko, ang galing-galing,” dagdag pa niya.

Nang gabing iyon ay may appointment umano siya sa gluta drip service at hinihintay niya si Binoe sa office.

Kaya nagsabi umano siya kay Binoe na papupuntahin na lang niya roon ang kausap niya at wala siyang nakitang masama sa kanyang ginawa.

“To tell you the truth, hindi ko po nakikita na kahit kaunti may mali du’n sa ginawa ko, masama ‘yung ginawa ko.

“Dahil one, bitamina ‘yung nilalagay ko sa katawan ko, for health reasons ‘yun. Hindi naman po ako nagda-drugs, na naghi-heroine ako du’n. Buti kung naghi-heroine ako du’n, ‘di ba? Hindi naman po.

“Wala naman po akong ginawa du’n sa Senate seal. Hindi ko naman flinash ‘yung bitamina du’n sa Senate seal. Wala naman akong ginawang ganu’n.

“Umupo lang ako du’n at saka nagpabitamina sa katawan. So, hindi ko maintindihan bakit parang may mga nag-react,” paliwanag ni Mariel.

“So dahil may mga nag-react, kaya ko po tinake down ‘yung post ko. In respect du’n sa mga na-offend o kung anuman, tinanggal ko po. Kaya ko ‘yun tinanggal,” dagdag pa niya.

Depensa pa rin ng misis ni Binoe, wala siyang inabalang tao sa kanyang ginawa.

“Wala naman po akong inabala, ni hindi po kami nakisaksak o gumamit ng electricity ng Senado, o ginamit ‘yung alam mo ‘yun.”

Gayunpaman ay humingi ng paumanhin ang TV host kung may mga na-offend sa kanyang post.

“So, kung sa tingin ninyo mali, o masama, o na-offend kayo du’n sa ginawa ko, sorry po. Pero ako, naglagay lang ako ng bitamina sa katawan. And it was 9 o’clock ng gabi, nu’ng ginawa ko ‘yun, after office hours po,” pahayag ng TV host.

AUTHOR PROFILE