Default Thumbnail

Kelot ‘tinabas’ ng live wire sa Kyusi

October 7, 2022 Melnie Ragasa-limena 241 views

NASAWI ang isang lalaki matapos aksidenteng madikit sa live wire habang ginugupit ang mga sanga ng puno sa isang subdibisyon sa Quezon City, Biyernes ng hatinggabi.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Eastwood Police Station (PS-12), bandang 12:16 ng gabi (Oktubre 6), nang maganap ang aksidente sa Barangay Whiteplains Subdivision, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Bryan M. Ferrer ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, dis-oras ng gabi ay nakita pa umano ng mga testigong sina Rogelio Runas at Victor Canada na naggugupit ng mga sanga sa puno ang biktimang si Porseso L. Pamulagan sa nasabing subdibisyon.

Habang abala sa paggupit ng sanga ang biktima ay nadikit umano ito sa high tension electric live wire at nakuryente saka tumilapon sa bangketa na nagresulta ng agarang pagkamatay.

Agad na inireport sa mga awtoridad ng security guard ng subdibisyon na si Jayson Leoveras ang nangyaring insiddente.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring insidente.