Default Thumbnail

Kelot isinako sa Baseco

July 7, 2022 Jonjon Reyes 219 views

PINANINIWALAANG biktima ng “summary execution” ang isang natagpuang bangkay na tadtad ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at nakatali ang dalawang kamay habang nasa loob ng sako sa balumbon ng basura sa Baseco, Port Area, Maynila, umaga nitong Huwebes.

Tinatayang nasa 25 hanggang 30-anyos ang hindi pa nakikilalang biktima na nasa 5’4 ang taas, nakasuot ng itim na t-shirt, at asul na shorts.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng Manila Police District (MPD)-Baseco Police Station 13, bandang 6:00 ng umaga nang matagpuan ng isang tauhan ng Department of Public Safety (DPS) sa eskinita ng Block 15 sa Baseco.

Ayon kay Elmer Flotina, 29 anyos, ng DPS, inakala umano nito na basura at maaaring may mga mapapakinabangan ang nakasilid sa sako ngunit nang bulatlatin umano nito ay nagulat siya dahil may lalaki na patay pala sa loob.

Agad niya itong ipinagbigay alam sa tanggapan ni P/Lt. Col. Borbe at saka kinordon ang lugar.

Itinawag naman ng kanyang tauhan sa MPD-Homicide Section na mag-iimbestiga sa naturang insidente.

Ang bangkay ay dinala sa Cruz Funeral Morgue para isailalim sa awtopsiya, habang inaalam ang pagkakakilanlan sa biktima.

Nangangalap na rin ng testigo kung may nakakakilala sa kung sino ang nagtapon ng sako na hinihinalang sa ibang lugar pinatay ang biktima at sa Block 15 lamang ito natagpuan.

Malaki din ang paniniwala ng pulisya na may ilang oras pa lamang ang nakakaraan bago ito pinatay dahil “sariwa” pa ang mga dugo ng lalaki.

AUTHOR PROFILE